Male singer ayaw kasabay sa van ang kapwa mang-aawit

male-singer

Kahit pa siguro tawasin nang ilang beses ang isang show promoter ay hinding-hindi na nito kukunin pa uli ang serbisyo ng isang male singer na produkto ng isang malaganap na talent search.

Sabi ng show promoter na ang linya ay ang pagdadala ng mga artista at singers sa malalayong probinsiya, “Mag-o-over budget ka sa mokong na ‘yun! Bukod sa talent fee niya, e, napakarami pa niyang kaartehan sa buhay!

“Ayaw niyang sumabay sa van ng mga kapwa niya singer, solong sasakyan pa ang gusto niya, hindi raw kasi siya comfortable na may kasama siya sa car.

“Ayaw rin niyang bumaba sa nakatokang bahay para kainan ng mga artista bago ang show proper, nasa car lang talaga siya, ikinukuha lang siya ng food ng PA niya!

“Naku, never again! Kahit pa ipagduldulan pa niya next time ang sarili niya sa akin, e, hinding-hindi ko na siya kukunin, ayoko na ng stress!” nakairap na komento ng show promoter.

Umakyat na nga sa ulo ng male singer ang popularidad, pero mali ang kanyang akala na magiging forever na ‘yun, dahil ngayon ay ramdam na ang pagkamalagihay ng kanyang career.

Magulo rin ang lovelife ng male personality, wasak na wasak siya nang ireklamo ng kanyang dating karela­syon, madalas ding makitang pa­kalat-kalat sa kung saan-saan ang lalaking singer.

Kuwento naman ng isa pang source, “Naku, kalat na kalat ang kuwento na kaya lang naman siya nanalo nu’n, e, dahil minanok siya ng isang judge sa contest. Ipi­nagpilitan ng huradong ‘yun na siya ang dapat manalo, kesehodang mas marami namang mas magaling kesa sa talent na ipinanglaban niya!

“Magtigil siya! Kalat na kalat na ngayon sa grupo ng mga show promoters ang mga kaartehan niya, kaya one day, e, siya na mismo ang magduduldol sa sarili niya sa mga promoters para magka-show lang siya!” napakadiin pang sabi ng impormante.

Asawa ni Mayor nag-iingay dahil artista si Aiko?

Maligaya ngayon si Aiko Melendez sa piling ng kanyang karelasyong mayor ng Subic. Lumabas ang kuwento na pamilyado na si Mayor Jay Khonghun, may mga anak na ito, hindi raw totoong hiwalay na si mayor at ang kanyang misis.

Pero isang mapagkatiwalaang source ang nagbigay-linaw sa amin ng totoong estado ng mayor ng Subic at ng misis nito.
“Dati, e, nag-iingay pa ang girl, marami siyang sinasabi against Aiko, bakit daw pumatol siya sa isang married man?

Ang totoo, e, matagal nang hiwalay si Mayor Jay sa wife niya. Pero hindi sila pinababayaan, may sustento sila monthly.

“Saka hindi na masyadong mag-iingay ngayon ang babae, kasi nga, dati na namang nagkakaroon ng ibang karelasyon ang husband niya, alam niya ‘yun, pero bakit ngayon lang siya nagkakaganyan?

“Porke ba artista si Aiko, kaya nag-iingay siya? Porke ba masaya ngayon sina mayor at Aiko, kaya gusto pa niyang magpa-interview? Tanggapin na kasi ng girl na si Aiko man o hindi ang girlfriend ngayon ng mister niya, e, malayo na sa katotohanan na magkabalikan pa sila,” diretsong paliwanag ng aming source.

Sinegundahan naman ng isang nakausap namin ang sinabi ng source, dati na palang alam ni misis ang pagiging playboy ng kanyang mister, pero ngayon lang ito nagparaparamdam dahil si Aiko Melendez nga ang sangkot.

Sabi pa ng aming kausap, “Alam niya naman na talagang chickboy ang husband niya, pero bakit ngayon lang siya nag-iingay ng ganyan? Hindi naman sila pinababayaan ni mayor, lahat naman ng kailangan nila, e, nakukuha nilang mag-iina,” sabi pa ng aming pangalawang source.