tonite-no-thanks-cristy-ferminHANGGANG ngayon pala ay hindi pa rin nakatutupad sa kanyang mga obligasyon ang isang kilalang male singer. Matagal nang pinagpipis­tahan ang mga kalat-kalat niyang pagkakautang sa kanyang mga kaibigan, katrabaho at maging sa dati niyang manager.

Bukod sa hindi niya pagbabayad ay pinagbibintangan ding walang utang na loob ang male singer dahil sa hindi niya paglingon sa kanyang pinagmulan.

Kuwento ng aming source, “Ang pangako niya nu’n, e, babayaran din niya ang mga utang niya oras na mairaos na niya ang isang napakahala­gang okasyon sa buhay niya.

“Nagpakagarbo naman kasi siya, e, hindi naman siya handang humarap sa ganu’n kalaking gastusin. Matagal nang tapos ang sinasabi niyang okasyon, pero hanggang ngayon, e, hindi pa rin naman siya nakakapagbawas ng pagkakautang niya.

“May mga naiinip na nga. May mga tumatawag na sa kanya dahil may mga pangsa­riling pangangailangan din naman ang mga inutangan niya nu’n.

“Ang masaklap, kung kailan niya naman kailangang kumayod nang husto para may maipanagot siya sa mga pagkakautang niya, e, saka naman mailap sa kanya ang trabaho.

“Nawalan pa siya ng regular show, may dumarating man, e, kulang pa yata ang kinikita niya para sa kanila ng wife niya. Sabi nga ng mga nakapaligid sa kanya nu’n, e, simpleng okasyon na lang sana ang pinlano niya.

“Bonggang-bongga nga, kung ganyan naman na ang dami-dami niyang obligasyon, paano na? Kailangan niyang magti­pid, kailangan nilang magbawas ng pagpapabongga ng misis niya, para ma­kabayad na siya sa mga obligasyon niya!

“Yes, yes, ‘yo! Buntis na kabayo!” pagtatapos ng aming source.

***
Paghalik ni Josh kay Kris agaw-pansin

SABI ni Kris Aquino, emotionally ay okey na okey na siya, tapos na ang mga gabing hindi siya makatulog at mga araw na palagi siyang nalulungkot.

‘Yun ang payo ng kanyang mga doktor, umiwas siya sa stress, dahil ‘yun ang pinag-uugatan ng lahat ng mga sakit sa katawan na ating nararamdaman.

Walking drug store siya ngayon dahil sa dami ng mga gamot na iniinom niya, nagbago na ang kanyang titulo, dati’y walking jewelry box ang tawag sa kanya.

Pero napakasuwerte pa rin ni Kris dahil kahit libo-libo pa ang halaga ng bawat pildoras na iniinom niya ay walang problema, meron siyang pambili, may punumpunong buslo siyang pinagkukunan.

Sa January ay babalik siya sa Singapore para mu­ling magpa-check-up. Kailangang malaman ng kanyang mga doktor kung epektibo ang mga iniresetang gamot sa kanya.

Gustung-gusto na niya uling magtrabaho, ‘yung trabahong tuluy-tuloy, dahil hindi siya sanay nang walang pinagkakaabalahan. Pero bago mangyari ‘yun ay kailangan muna niyang makakuha ng patunay o certificate sa kanyang mga doktor na maayos na maayos na ang kanyang pisikal na kundisyon.

Nakakatuwang panoorin ang pag-eendorso nilang mag-iina ng isang produkto. Kasama si Josh sa TVC, nakikisabay ito sa pagsayaw, pero ang nakapang-aagaw ng atensiyon ng manonood ay ang madalas na paghalik ng panganay ni Kris sa ulo ng kanyang ina.

Nakaka-miss si Josh na basta nakita na kami ng aming PA na si Tina Roa ay agad nang maghahanap ng lighter. Kapag pinitik ‘yun ni Tina ay kakanta na ang lalong gumuguwapong si ­Joshua ng birthday song.

Sa lahat ng mga kaibigan ni Kris at katrabaho ay kay Willie Revillame pinakamalapit si Joshua. Palaging nakatutok ang napakatangkad nang si Josh sa Wowowin.

“We love Willie. He’s always been good to us. Nagpakita siya ng kabutihan and sincere desire to help me when hindi niya naman kami pinakinabangan nu’ng time ni Noy,” pahayag ni Kris Aquino.