Dear Dream Catcher:
Napanaginipan kong nag-eempake raw ako. ‘Yung eksena nakalatag ang malaking maleta sa ibabaw ng bed ko at naglalagay ako ng mga damit ko sa maleta. Kitang-kita ko ang sarili ko habang isa-isang niro-roll ‘yun mga damit at maayos kong isinasalansan sa maleta. Iyon lang ang natandaan ko kasi ginising na ako ng asawa ko.
Marissa
Dear Marissa:
Ang panaginip na ikaw ay nag-eempake at tila naghahanda para sa isang pagbibiyahe ay sumisimbolo sa darating na malaking pagbabago sa iyong buhay.
Ito rin ay indikasyon na naghahanda ka para sa iyong future. Puwede rin itong ikonek sa isang pagdedesisyon na iwan at talikuran na ang isang nakaraan at mas magpokus sa iyong kasalukuyan at hinaharap.
Ang ganitong panaginip ay puwede ring indikasyon na may kailangan kang ayusin sa iyong buhay. Halimbawa kung sa aktuwal na sitwasyon ay may pinagdaraanan ka tulad ng isang magulong relasyon, ang iyong panaginip na maayos mong isinasalansan ang iyong mga damit sa maleta ay posibleng ikonek sa gagawin o ikinukonsidera mong gawing pag-aayos ng iyong lovelife.
Alamin mo kung sa aktuwal na buhay ay meron kang nararamdamang kaguluhan o anumang isyu na nakakagulo sa iyong isip. Puwede mo ditong ikonek ang iyong panaginip na meron kang inaayos dahil ang iyong panaginip ay paalala o mensahe ng iyong subconscious na meron kang dapat gawing pagbabago.
Pero puwde rin naman ang iyong panaginip ay bahagi lamang ng wishful thinking na gusto mong magbiyahe lalo na kung naaapektuhan ka sa mga posts ng iyong mga kaibigang mahilig magbiyahe.
Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com