Ngayong araw ang ceremonial turnover ng tatlong Balangiga bells sa tunay nitong tahanan: Ang simbahan ng San Lorenzo de Martir sa bayan ng Balangiga, lalawigan ng Eastern Samar.
Kung paanong nasulat sa kasaysayan ang pagkakaalis ng mga kampana sa naturang simbahan, lalong mahalaga at makasaysayan ang pagkakabalik nito.
Mahaba, matiyaga at mabusisi ang pinagdaanan ng marubdob na pagsisikap ng ilang organisasyon at ahensya ng gobyerno katuwang ang Simbahang Katolika para lamang mabawi ang tatlong kampana mula sa pagtangay ng American troops.
Mahigit 10 taon nang tinatrabaho ang pagbawi sa makasaysayang mga kampana hanggang sa ipaloob ni Pangulong Digong Duterte sa kanyang ikalawang SONA ang hiling sa Amerika na isoli na ito.
Makaraan ang ilang buwan ay nilagdaan ni US President Donald Trump ang US National Defense Authorization Act of 2018 na nag-aatas na ibalik na ang Spanish colonial bells sa tunay na may-ari, ang Pilipinas.
Muling sumayad sa Philippine soil ang mga kampana nitong Disyembre 11 ng taong ito. Eksaktong 117 taon makaraan itong tangayin ng American Army troops bilang “war booty”.
Bilang simbolo ng tagumpay ay binitbit ng US troops ang tatlong kampana.
Unang umapela sa US si dating Pangulong Fidel V. Ramos para mabawi ang mga kampana pero tinabla ito ni noo’y US President Bill Clinton at sinabing pag-aari ito ng Amerika. Kailangan din daw na ipormalisa ng Kongreso ng Pilipinas ang kahilingan.
Kaya tunay na emosyunal ang mga taga-Balangiga, Eastern Samar sa pag-uwi ng tatlong kampana sa simbahan ng San Lorenzo de Martir ngayong araw, Disyembre 15, 2018.