Rey T. Sibayan
Mga ka-Misteryo, usapang maligno muna tayo ngayon.
Minsan nagawi ako sa Malabon at nakausap ko ang isang spiritual healer na si Julie na aktibo ang kanyang clairvoyance o kakayanan na makakita ng mga espiritu sa ating paligid.
Natanong ko sa kanya kung bakit patuloy na ginagambala ng mga maligno ang tao at ang matindi pa nito’y puro masama ang binibigay sa tao tulad ng sakit, kamalasan sa buhay, pagsapi sa katawan at ang matindi pa nito, sila ay nanggagahasa ng mga kababaihan sa kanilang pagtulog.
Dahil dito, kinatatakutan ng ating mga kababayan ang mga maligno na karaniwan namang kalaban ng mga espiritista o ng mga manggagamot.
Ang aking tinutukoy dito ay ang mga itim na nilalang na mapula ang mga mata batay sa pagsasalarawan ng mga nakakakita sa kanila.
Ngayon, balik tayo sa tanong ko kay spiritual healer Julie. Sinagot niya ako na sa akala ng mga maligno ay inagawan sila ng teritoryo lalu na ang lupang kinatitirikan ng bahay ng tao.
Bagaman ang ibang uri ng engkanto tulad ng mga engkantada, duwende, tikbalang at kapre ay minabuti na lamang lumipat ng ibang tirahan at hindi nanggugulo sa tao, pero itong mga itim na maligno ay likas na pasaway at salbahe.
Naalala ko noong buhay pa sa mundo ang beteranong manggagamot na si Brother Emil Ormillo na talagang matindi ang galit sa mga maligno. Para sa kanya, walang mabuting maibibigay sa buhay ng tao ang mga itim na engkantong ito kundi mamerwisyo.
Maraming beses ko na ring nakita si Bro. Emil na nakipagsagupa sa mga itim na malignong ito lalu na ang mga taong sinasapian ng mga nilalang na ito.
Sa ating mga ka-Misteryo, ang mahusay na panlaban sa mga malignong ito ay asin o rock salt na puwedeng ibudbod sa paligid ng inyong silid o sa bahay. Para sa mga malignong itim, maaari silang mamatay sa asin.
Maaari ding maligo gamit ang tubig na may asin para mahugasan ang buong katauhan sa negatibong enerhiya ng mga itim na maligno o engkanto.
***
Para sa inyong mga suhestyon at katanungan, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang website: www.reytsibayan.com.