Aksidente sa NLEX

Isinakripisyo ng isang ina ang sariling buhay maligtas lang ang dalawang anak nito sa nangyaring aksidente sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela City noong Biyernes.

Si Mary Grace Alvarez ay isa sa walong pasaherong namatay sa tumaob na Buenasher­ Transport Bus (AGA-8610) sa South Bound NLEX, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Sa panayam kay Rhedel Lucas, 38, isa sa mga nakaligtas na pasahero, katabi niya sa upuan sa hulihan ng bus si Mary Grace kasama ang dalawa nitong anak na sina John Patrick Gayon, 10 at Justine, 13.

“Sabay po kaming sumakay ng bus sa Sta. Maria patungong Cubao at sakto naman na gawing likuran ng bus ang aming upuan,” sabi ni Lucas.

Nang magpa-ekis-ekis na ang kanilang takbo, nakita niya ang takot na takot na si Mary Grace habang yakap ang ulo ng mga anak para maprotekta­han sakali mang tumama sa bakal.

“Iyon na huli kong nakita kasi tumaob na ang bus na sinasakyan namin at nawala na rin sa paningin ko ‘yung mag-iina pagkatapos ng aksidente,” dagdag pa ni Lucas.

Nagulat na lang daw siya nang ma­laman na isa si Mary Grace sa namatay sa aksidente at ligtas ang dalawang anak nito.

Ayon naman kay P/Col. Carlito Gaces, naisampa na sa driver­ ng bus na si Victoriano De Los Reyes, 39, ang mga kasong reckless imprudence in resulting to multiple homicide, multiple serious­ physical injuries at damage to property. (Orlan Linde)