Sa tingin ng Malacañang at dahil napakaliit ng kinikita nito sa nagdaang isang dekada na, ang industriya ng karera sa bansa ay hindi ganoon kalaki kaya hindi masyadong pinapansin ngayon sa gitna ng pagpapalit ng mga top officials.

Hindi pa natin kumpirmado kung nag-submit na ng courtesy resignation ang lahat ng mga appointed officials ng Philracom. Hindi ba’t kinakailangan naman ito laging gawin (magsubmit ng courtesy resignation) tuwing may bagong pangulo ng bansa?

May napili na ang Malacañang na magi­ging bagong chairman pero hindi pa kumpleto ang composition ng board of commissioners, ayon sa ating mapagkakatiwalaang sources sa Malacañang.

Ang sabi nga ng ating mga nakakausap, mas makabubuti daw  na ilagay na agad ito sa Philracom para “matigil na ang mga walang kuwentang pagbabago na ginawa ng lumang lide­rato nito at sagipin ang lalo pang nalulugmok na industriya ng karera sa bansa.”

***

Personal na pinadalhan tayo ng Philracom noong Agosto 26 ng sulat na nag-iimbita sa atin para pumunta sa kanilang opisina bukas at makipag-meet sa board of commissioners “para maklaripika ang isyu tungkol sa sinulat natin sa column na ito noong Agosto 9 na may title na “Lugmok.”

Hindi tayo makakapunta kaya sumulat tayo kaagad kahapon (kung kailan natin ito natanggap) at tatlong rason kung bakit hindi natin sila puwedeng puntahan bukas. Una ay may scheduled event tayo bukas sa Quezon City na hindi na puwedeng ipagpa­liban.

Pangalawa, didiretso tayo pagkatapos nito sa Tagaytay sa isang pagtitipon sa kaarawan ni MetroTurf chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr. Pangatlo ay hindi ito appropriate, sa tingin natin, dahil tayo lang ang inimbitahan at hindi kasama ang ating colleagues na puwedeng “pagpaliwanagan” kung ano ang nangyayari sa buong industriya ng karera.

At para na rin sa kapakanan ng ating mga tagasubaybay na hindi nakita ang ating naisulat sa column noong Agosto 9, narito po ang isang item na nakalagay doon:

“Huwag na tayong lumayo, dito na lang sa industriya ng karera ay alam mo na kagad kung ano’ng klase ng pamunuan meron ito dahil na rin sa matagal nang pagkakalugmok nito.

Mantakin naman ninyong mahigit isang dekada na ang nakakaraan mula nang masapul ng karera ang revenue o sales na P8 billion.

Pero sa pagdaan ng panahon, ni hindi na tumaas pa sa figure na ito ang revenue na naililista sa loob ng 10 taon. Ang masama pa nga ay bumagsak pa sa P7 billion nitong nakaraang taon kung kaya’t marami na ang nagtatanong kung meron nga bang kahit na kaunting puwang sa puso ng Malacañang ang karera sa bansa.

Kung meron naman, bakit nariyan pa ang mga taong dapat sana’y nagmamalasakit sa industriya ng karera pero kabaligtaran naman ang nagagawa at nagiging sanhi pa ng patuloy na pagbagsak ng bentahan sa karera? Ano ang masasabi ni Presidente Digong dito?”

Bukas ang column na ito para sa paliwanag ng Philracom at puwedeng ipadala kaagad sa atin para maibigay ang kanilang posisyon.