Maliksi, Belo, iba pa walang tapon sa Elite

Maliksi, Belo, iba pa walang tapon sa Elite

Bawat hugutin ni Aris Dimaunahan sa Blackwater bench, nakakapag-deliver kaya humaharabas ang Elite sa PBA Commissioner’s Cup elims.

Tatlong panalo sa tatlong laro, nasa unahan ng pulutong ang Blackwater.
Bukod kina import Alex Stepheson at rookie sensation Bobby Ray Parks Jr., matikas na rumeres­ponde ang reserves sa pangunguna nina Allein Maliksi at Mac Belo.

“Total team effort,” anang interim coach pagkatapos ng 118-110 Blackwater win sa Columbian Dyip nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

May tig-19 points sina Maliksi at Belo na 8 for 15 combined sa labas ng arc nang ma-outscore ng Elite bench ang counterparts sa Dyip 55-44.

Nakalamang din ang team ni Dimaunahan sa fastbreak points 20-8.

“I think every guy who played contributed, not only in scoring but in other departments,” dagdag ni Dimaunahan.

Naglabas muli ng monster game si Stepheson na 26 points, 21 rebounds at 7 blocks, may 23 markers si Parks.

Nanindak pa ang Columbian 106-105 sa pangat­­lo at huling 3-pointer sa laro ni Kyle Barone kulang 4 minutes pa sa game, bago nanalasa sa loob si Stepheson. Nag-drive ang import, kinalawit ang dalawa sa kanyang 11 offensive boards na nagresulta sa put-back at free throw para ilayo ang Blackwater. (Vladi Eduarte)