Maliksi, Digregorio aasawahin ni Intal ‘pulot-gata’

Si JC Intal ang nagiging stopper ng Phoenix Pulse, malaking bagay ang kanyang depensa sa 3-0 card ng Fuel Masters na naglagay sa kanila sa unahan ng PBA Philippine Cup elims.

Tungo sa best-start sapul nang akuin ang prangkisa ng Barako Bull noong 2016, pinagtutumba ng Fuel Masters ang Meralco (93-92), TNT KaTropa(93-84), huli ang Columbian Dyip (108-98) noong Jan. 23.

Si Intal ang tinoka ni coach Louie Alas na mag-neutralize sa ekplosibong top rookie ng Dyip na si CJ Perez na sa PBA debut ay nagsalansan ng 26 points para ihatid ang Dyip sa pambulagang 124-118 panalo kontra five-time champion San Miguel.

“Sabi ko kay JC, naka-26 points ‘yan nung huli. Limit mo na sa 10 sa second half,” Ani Alas.

Dumating ang first 2 points ni Perez sa second quarter, diniyeta siya ni Intal sa 8 points na lang sa second half. Mula sa field ay 3 of 11 lang ang dating NCAA MVP mula Lyceum.

“Grabe ‘yung bata, mahusay,” bulalas ni Intal.

Depensa raw ng 12-year veteran forward mula Ateneo ang hinahanap sa kanya, pero kumana rin sa opensa kontra Dyip.

“Sinasabi naman sa akin, kung gusto ko lumaro sa loob, kailangan kong dumipensa,” dagdag ng 6-foot-4 forward. “So naging challenge for me and I don’t care anymore about the stats and the points, and alam ko kung saan ako makaka-contribute which is defense.”

Habang binubulabog niya si Perez, kumana pa si Intal ng 13 points, 6 rebounds at 2 assists.

Siguradong tatawagin na naman ni Alas ang numero ni Intal mamaya sa pakikihamok ng Phoenix sa Blackwater (1-2) sa Ynares Center sa Antipolo.

Malamang na ipaasawa kay Intal si Mike Digregorio o kaya si Allein Maliksi.

Pasabog ng 27 points si Digregorio, may 23 si Maliksi nang kubrahin ng Elite ang unang panalo sa panggulat na 111-99 decision kontra dating walang talong Rain or Shine noong Miyerkoles sa Cuneta Astrodome.