Kalunos-lunos na kamatayan at naputol na mga kamay ang sinapit ng isang babaeng pinagbintangan umanong mangkukulam ng kanyang kapitbahay, nang pagtatagain sa Barangay Alagao, San Ildefonso, Bulacan.
Sa ulat ng Bulacan Police, nakilala ang biktimang si Merry Sanchez, 58-anyos, residente ng nasabing barangay na agad nasawi nang tagain sa ulo at katawan ng suspek na si Michael Reyes na kapitbahay ng biktima, alas-11:10 Lunes ng gabi.
Nag-ugat umano ang pananaga nang komprontahin ng suspek ang biktima sa bahay ng huli, at sinabing kinukulam ito at may ginagawang hindi maganda sa kanya. Dito umano nauwi sa komprontasyon ang pag-uusap ng dalawa hanggang sa bumunot ng itak si Reyes at inundayan si Sanchez.
Nasaksihan naman ng anak ng biktima na si Menard ang pag-alis ni Reyes at nang pumasok ito sa kanilang bahay ay nakita ang wala nang buhay na ina kaya agad itong nagsumbong sa mga awtoridad na nagresulta sa agarang pagkadakip sa suspek.