Dear Editor:

Nais ko lang po ilahad ang aking saloobin sa napabalitang pagpatay ng pulis sa isang sundalo sa Zamboanga del Sur.

Si PFC Rodilo Bartolome na nakadestino sa Marawi ay papauwi sana sa kanyang pamilya sa nasabing lugar nang barilin siya ng pulis dahil sa maling akala.

Akala ng mga pulis na bubunot daw ng baril ang sundalo sa bag kaya inunahan na nila. Isang dahilan na hindi katanggap-tanggap. Kapag balbas sarado at mahaba ang buhok masamang tao na agad? Kalaban na agad? Rebelde o terorista na agad?

Hindi ba nila inisip na kaya ganoon ang hitsura ng sundalo dahil ilang buwan na siyang nasa labanan. Hinusgahan na agad nila na walang matibay na basehan at pagpatay agad ang sagot nila dito.

Hindi po ako bihasa sa batas pero sa nakikita ko ang daming lapses ng pulis dito. Maling-mali ang kanilang pamamaraan. Sa pagkakaalam ko ay dapat naka-proper uniform ang mga pulis kapag reresponde lalo na kung on duty siya. Eh bakit naka-civilian attire ang mga ito?

At kung nagduda man sila sa tao hindi ba ang tamang pamamaraan dito ay kunin nila ang bag o hayaan nila na buksan ito ng may-ari sa harap nila. Ang alam ko tinuturo ito sa training nila pero parang nakakalimutan at wala na ito sa isip nila.

Ganito na ba sila nga­yon kapag nagduda babarilin ka na agad? Ang masakit dito ay sundalo pa ang pinatay nila. Huwag nila sana gawing lusot na nanlaban ang sundalo kaya inunahan nila dahil 12 tama ng baril ang tinamo ng biktima at sa ulo at dibdib ang mga tama. Hindi na self-defense ang tawag doon.

Hindi ko man personal na kilala si PFC Bartolome o ang kanyang pamilya pero ganoon na lang ang galit at paghihinagpis na nararamdaman ko ngayon dahil hindi makatarungan ang pagpatay sa kanya. Siya na bayani at nakipaglaban hindi lang sa Marawi ay namatay na walang kabuluhan at sa maling akala. Pinatay siya ng kapwa niya rin tagapagtanggol ng bayan.

Tatanungin ko ngayon ang mga pulis na ito, kaya niyo pa ba ibalik ang buhay na kinitil niyo? Kaya niyo ba punan ang pagiging asawa, ama at anak sa kanyang naulilang pamil­ya? Ang pananabik ni PFC Bartolome na makapiling ang kanyang pamilya ay naging panaginip na lang.

Inalisan niyo kami ng mabuting tao at ng isang bayani. Hindi nga siya napatay ng Maute pero namatay siya sa kamay ng kabaro niya. Kung ganito naman pala katapang, kabilis at kagaling ang pulis na ito pwede siyang sumama sa mga sundalo at labanan ang Maute. Baka malaki ang maitulong niya doon.

Pakatandaan sana ng pulis na hindi pagiging matapang at hindi kabayanihan ang ginawa nilang ito kay PFC Bartolome. Hustisya ang sigaw namin at dapat mabigyan ng katarungan ang walang habas na pagpatay sa isang bayani ng bayan.

Milagros E. Esquijo

Sultan Kudarat

***

Dear Editor,

Nito lamang linggo ay napabalita ang muling pagbubukas ng Mindanao State University (MSU) matapos ang tatlong buwan na pagkakasara nito dahil sa bakbakan sa Marawi.

Sa mga balitang natunghayan ko, nabasa ko ang statement ni Lanao Del Sur Vice Governor Adiong Jr. na kung saan ay kanyang sinabi, “We stood up against them. We would fight terror and we would not allow terror to defeat us.”

Sa aking opinyon, dapat ay pamarisan ng iba pang mga lider ng lokal na pamahalaan at mga mamamayang Pilipino si Vice Gov. Adiong, lalo na sa determinasyon nitong labanan at sugpuin ang matagal na nating problema sa terorismo at violent extremism sa Mindanao.

Kahit anong lakas at galing ng taktika, armas, at hukbo ng AFP, kung hindi naman makikipagtulungan ang mga komunidad, hindi tayo magwawagi sa pagsugpo sa Maute Group, Abu Sayyaf, at pati na rin sa NPA.

Lahat tayo ay dapat makiisa. Kooperasyon at loyalty sa gobyerno ang kailangan. Hindi natin kailangang maging sundalo para maging parte ng lunas sa ganitong mga problema na kinahaharap ng ating bansa.

Imelda Banccud

***

Dear Editor,

Hindi ko talaga alam saan kumukuha ng kapal ng mukha ang NPA. Kamakailan lang, may mga pinatay na naman silang sundalo at pulis, bukod pa sa mga milyong-milyong perang nakulimbat nila sa pamamagitan ng pananakit, pananakot, at panloloko ng mga negosyante at ng mga ordinaryong Pilipino.

Tapos, sila pa may ganang magsabi na kaya nila ginagawa lahat ng mga karahasan na ito dahil sa “all out war” ni Duterte laban sa kanila? Mala hollowblocks at adobe naman pala talaga ang pagmumukha ng mga walanghiyang ‘to.

Para sa akin at sa mil­yong milyong mga Pilipinong SAWANG-SAWA NA sa kagaguhan ng NPA, ginagamit na lang nila ang pagkansela ni Duterte ng peace talks at ang “all out war” sa kanila ng gobyerno para MA-JUSTIFY yung mga katarantaduhang ginagawa nila.

Eh kahit naman hindi nag-all out war ang gobyerno sa kanila eh marami pa rin namang pagpatay at iba pang krimen ang patuloy na ginagawa ng mga kupal na to eh.

Sawa na sa karahasan,

Christian Reroma