Sa pag-inog ng ating probinsya paikot sa kalinangang pampulitika ng bansa, nagiging hayag ang isang nakakalungkot na katotohanan: may bayang nakakasabay, mas marami ang napapag-iwanan.

Sa loob ng 20-taong panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos, bagama’t sabay na nagsilbi sa kanya at kilalang malapit dito si dating Gobernador Manuel Solidum, pumaimbabaw nang husto ang imprastraktura ng Ilocos; maging ng Samar-Leyte Region pero hindi nakasabay ang pampublikong pagawa sa Romblon.

Hindi na kailangang lumayo; umunlad ang Alcantara at Odiongan maging ang San Agustin dahil dito nagmula ang mga namuno sa Romblon; nasa Odiongan na lahat ngayon. Mula komersiyo dahil sa istratehikong kalagayan nito hanggang sa mga tanggapan ng national government, kahit na ang kabisera ng probinsya ay ang island town ng Romblon.

Sa usapin ng serbisyong pangkalusugan na lamang: nakakailang bagong building na ang Odiongan samantalang ang Romblon District Hospital ang mga kisame’y ilang pako na lang ang kumakapit; walang ER na maaasahan. Take note: doktor pa kamo ang punong-lalawigan niyan.

Nasa Romblon ang kapitolyo ngunit nasa Odiongan lahat ng pangunahing opisina ng gobyerno mula DOH hanggang LTO at tanging DepEd na lang ang natitira rito. Inunti-unting hindi namamalayan ng karamihan; kaiba sa West Philippine Sea, baliktad ito ng “creeping invasion” — ito ang mapait na katotohanan.

Naghuhumiyawang tanda ng hindi pantay na paglalaan o paghahati ng pakinabang — ito malamang ang nag-udyok sa maraming mga taga-Romblon at Sibuyan na itulak ang pagbuo ng panibagong pamprobinsyang pangasiwaan: iisang Romblon, dalawang lalawigan.

Marahil sa huli ay hindi na ito mapipigilan, habang lumalaki ang agwat ng pag-unlad ng Tablas Island sa Romblon at tatlong munisipyo ng Sibuyan Island.

Nakaraang linggo, napabalita ang pagsulong ng aktwal na pagkilos ni Sanguniang Panlalawigan member Samuel Romero ng unang distrito upang hatiin ang lalawigan sa Occidental Romblon at Oriental Romblon.

Sa kanyang panukala, ang Oriental Romblon ay kabibilangan ng mga bayan ng San Fernando, Cajidiocan at Magdiwang sa Sibuyan at ng Romblon Island, samantalang ang lahat ng munisipyo sa isla ng Tablas kasama ang Banton, Sibale, Simara at San Jose (Carabao Island) ang bubuo sa Occidental Romblon.

Masyadong biglaan o “drastic” sa Ingles ang proposal at rebolusyunaryo ang ganitong hakbang lalo pa’t may alternatibo pa namang kaparaanan, maliban sa panukalang paghahati. Kung opisyal na serbisyo at alokasyon o pondo ang nagkukulang, at kung lampas na ang populasyon ng lalawigan sa kinakailangang 250 libo bawat distrito, bakit hindi gawing dalawa ang kinatawan sa Kongreso?

Bakit hindi “redistricting” ng legislative district ang isulong ng mga nasa katungkulan, maliban kung meron pinoprotektahang pamilya sa politika kaya’t gustong imonopolyo ang pagiging congressman at walang ibang apelyido ang gustong itala sa Lower House.

Ang dagdag isang congressman, ito’y nangangahulugan ng doble pondo taun-taon sa imprastraktura, bilang ng serbisyo at iba pang kapakinabangan.

Bagama’t wala namang hadlang sa pagpupunyagi ng mga napapag-iwanang bayan sa adhikaing magsarili at humiwalay sa pangangasiwa; may agam-agam naman sa bukas na ihahatid ng padalus-dalos na hakbang.

Sa ngayon, isang masusing konsultasyon at mala­limang pag-aaral ang kinakailangan, at tiyakin na ang tatahaking landas ay kaaya-ayang buhay ng mga nasasakupan ang hahantungan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)