Mall na lalabag sa MECQ protocol ikakandado

Nagbabala ang commander ng Joint Task Force COVID Shield sa mga mall security manager na maaaring ipasara ang kanilang establisimiyento kapag nabigong ipatupad ang protocol hinggil sa physical distancing.

Ipinahayag ito ni Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar dahil na rin sa mga ulat at social media post tungkol sa kabiguan umano ng mga mall security na ipatupad ang physical distancing sa unang araw ng pagbabalik operasyon nila partikular sa Metro Manila noong Sabado.

Ayon kay Eleazar, may utos sa kanila si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na bukod sa pagpapasara ng mga pasaway na mall ay sasampahan din ng kaukulang kaso ang pamunuan nito.

Inatasan aniya lahat ng police commander para regular na i-monitor ang galaw ng mga tao sa loob ng mall sa kanilang nasasakupang lugar para matiyak na sinusunod ang mga protocol hinggil sa physical distancing at pagsusuot ng face mask.

Sabi ni Eleazar, inatasan din ang mga police commander na dapat kabisado ang iba pang protocol na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagbabalik operasyon ng mga mall at iba pang negosyo.

Ang Joint Task Force COVID Shield ay binubuo ng Philippine National Police, Armed Force of the Philippines, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection bilang mga tagapagpatupad ng mga inilalabas na panuntunan ng IATF-EID.

Ayon kay Eleazar, binigyan na nila ang mga police commander ng listahan ng mga mall at iba pang establisimiyento na lumabag sa physical distancing sa unang araw ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Inatasan aniya ang mga police commander na paalalahanan ang pamunuan ng mga mall hinggil sa pagpapatupad ng mga protocol na inutos ng IATF-EID sa muling pagbubukas ng mga nasabing establisimiyento. (PNA)