Mall sale, wi-fi, aircon bawal sa GCQ

Ipinagbabawal ang sale, wi-fi, at hindi rin dapat masyadong malamig ang aircon sa mga mall na nagbalik operasyon sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine (GCQ).

Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang virtual press briefing nitong Huwebes matapos aniyang aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID_ ang mga guideline para sa operasyon ng mga mall at shopping center sa ilalim ng GCQ.

“Wala muna tayong sales at saka marketing events na magdadahilan para magdagsaan ang mga tao,” ani Roque.

Nakasaad sa Memorandum Circular No. 20-21 ng Department of Trade and Industry (DTI) na kailangang ipatupad ng mga nabanggit na establisimiyento ang social distancing.

Kailangan din magtakda ng centralized pick up location para sa mga delivery at service provider.

Dapat din i-regulate ang paggamit ng aircon ng hanggang 25 degrees centigrade at patayin ang libreng wi-fi sa loob ng establisimiyento.

“Ang aircon po hindi dapat malamig at wala dapat wi-fi dahil. Kung malamig at may wi-fi maraming tatambay,” ani Roque.(Prince Golez)