Mallari, Eagles nandagit sa HK

Ipinakita ng Ateneo de Manila University ang kanilang kahandaan sa 80th UAAP 2018 baseball wars matapos ilista ang 10-4 win kontra Sydney University at angkinin ang WSBC Hong Kong International Baseball Open noong Linggo sa Hong Kong.

Walang talo ang Blue Eagles sa four-day tournament, na rito’y tinanghal pang Most Valuable Player, (MVP) si Marco Mallari upang kumpletuhin ang dominasyon ng bansa torneo.

Kinalos din ng Loyola Heights-based squad ang Australians, 12-7 sa opener at saka bumambo ng 9-6 panalo kontra Hong Kong Blue para manguna sa eliminations.

Kinaldag ng Eagles ang Lanzhou New Way ng China, 12-3 sa semifinals upang masungkit ang spot sa championship game.

Hinablot ni Paulo Macasaet ang Most Winning Pitcher award, inuwi ni Marquis Alindogan ang Most Hits at Most Stolen Bases honors habang si Venerando Dizer ang tinanghal na Best Coach.

Susunod na laban ng Ateneo ang title-retention campaign sa UAAP na magsisimula sa darating na Pebrero.