Bilang pagsuporta sa Mindanao, ilang babaeng mambabatas ang nagsuot ng Inaul o isang uri ng malong na noong unang panahon ay karaniwang sinusuot lamang ng mga royalties sa Maguindanao.
Ayon kay Deputy Speaker at Maguindanao Rep. Bai Sandra Sinsuat Sema, ang Inaul ay maiuugnay sa Maguindanao dahil ito ang klase ng tela na sinuot ng mga ninuno sa rehiyon.
Karaniwan umano na gawa ito sa silk na hinaluan ng indigenous fiber at totoong gold threads kaya naman ang mga may dugong bughaw lamang noon ang nakapagsusuot nito.
Subalit dahil marami na ang naghahabi ng Inaul ay maging mga ordinaryong tao sa Mindanao ay nakapagsusuot na rin nito.
Sinabi ni Sema na ang pagsusuot ng Inaul ay sumisimbolo sa pagkakaisa dahil ang Inaul ay ginagawa ng dalawa hanggang tatlo-katao na kalimitang inaabot ng tatlo hanggang 15-araw bago matapos.
May 87 babaeng mambabatas ang rumampa suot ang iba’t ibang disenyo ng Inaul habang si Maguindanao Gov. Toto Mangudadatu ang natatanging lalaki na nakasuot din nito.