Maluho ang P15.5 billion gastos sa ASEAN summit

Broadcaster's view-ely-saludar

Nakakapanginig ng laman sa inis at panghihinayang ang bilyon-bilyong piso na pondo na inilaan sa pagdadaos ng ASEAN summit sa bansa na dinaluhan ng world leaders at dialogue partners.

Aabot sa P15.5 billion ang ginastos sa ASEAN summit na masyadong maluho para sa isang mahirap na bansang tulad ng Pilipinas.

Mauunawaan naman ng mga sumipot na world leaders sa ASEAN ­summit kung magiging simple lang ang preparasyon ng Pilipinas dahil alam naman nila na kasama tayo sa mahihirap na bansa o tinatawag na developing country.

Ayon sa inilabas na listahan ng Department of Budget and Management (DBM), sa pondong P15.5 billion sa ASEAN summit ay nakakuha ang Office of the President ng mahigit P11 billion, Department of Tourism ay mahigit P749 million, Presidential Communications Office ay mahigit P1.4 billion, Department of Trade and Industry ay mahigit P177 million at ang Department of Interior and Local Government ay nangasiwa ng mahigit P2 billion.

Nakakalula naman ang pondong ito para lang sa isang pagtitipon na kahit hindi marangya at kung simple lang ang preparasyon ay hindi naman mahalaga sa mga delegado.

Taxpayer’s money o mula sa buwis ng taumbayan ang salaping ito na puwedeng magamit pa sa ibang proyekto ng pamahalaan na mas pakikinabangan.

Kung hindi man tayo gumastos ng P15.5 ­billion sa ASEAN ­summit ay hindi naman siguro magbabago ang mga pangakong papasok na investment at tulong-pinansiyal mula sa ibang bansa.

Idinedepensa ng administrasyon na importante daw ang ASEAN summit kung kaya’t dapat paglaanan ng sapat na pondo.

Sa mga ganitong event, ang pinaka-importante lang naman ay ang mahigpit na seguridad at maayos na pasilidad na pagdadausan ng summit at hindi na kailangan pa ang maluho o magarbong preparasyon.

Sa ngayon ay naka­binbin pa ang panukalang pagtataas ng buwis pero kung gumastos ang gobyerno ay walang patumangga at pasubali samantalang ang madalas nating marinig ay kapos sa budget ang pamahalaan kung kaya’t hindi mai­patupad ang iba’t ibang proyekto at limitado ang mga pangunahing ­serbisyo.

Samantala, panawagan natin sa Commission on Audit (COA) na suriing mabuti ang nasabing P15.5 billion na pondo sa ASEAN summit at silipin kung naging makataru­ngan ba ang ganitong kalaking halaga at tama ba ang ginawang paggastos na mula sa buwis ng taumbayan.

Linawin natin na hin­di tayo nag-aakusa na mayroong anomalya sa nasabing pondo, sa halip ay isang mala­king katanungan lamang kung bakit kailangang umabot sa P15.5 billion ang pondo na ginastos sa ASEAN summit na ito na ang nag-host ay ang Pilipinas na isang mahirap na bansa at naghihikahos ang mamamayan samantalang may nakaamba pang itaas ang pataw na buwis.