Hindi ko ramdam ang paghihigpit sa mga malls kaya, God forbid, hindi na ako magtataka kung malusutan sila ng mga masasamang loob na may balak na maghasik ng terorismo at pumatay ng mga inosenteng tao.

Oo maraming nakakalat na guwardiya sa mga malls at mayroon pa ngang mga nakasibilyan na ­guwardiya. Halata mo naman na guwardiya sila dahil kung makatingin parang magnanakaw ang mga taong sinusuri nila.

Pero hindi ‘yan sapat para masiguro na hindi makalusot ang mga taong may masamang balak dahil sa mga entrance mukhang may pagkukulang. Wala silang hawak na gadgets para ma-detect kung ano ang laman ng bag ng mga mall goers.

Hindi ‘yan makukuha sa silipan at kapkapan ang likod ng mga taong pumapasok. Kailangan ang seryosong inspection pero hindi nila nagagawa lalo na kung buhos ang pasok ng mga tao sa loob ng mall.

‘Yung mga sasakyan na pumapasok sa kanilang mga parking area, hindi naman iniinspeksyon eh. Sinisilip lang ang loob at pinabubuksan ang hood at saka sisilipin pero hindi tinitingnan ang nasa ilalim

Buti pa sa ibang open parking sa isang maliit na mall dyan sa Commonwealth at pati ang ilalim ng sasakyan eh iniinspeksyon pero sa mga malalaking mall, my goodness masyadong maluwag.

Bakit hindi mamuhunan ang mga mall owners ng K-9 dogs para masiguro na ang mga sasakyang pumapasok eh walang dala upang maproteksyunan ang mga mall goers na bumubuhay sa kanila?

Mas mahigpit pa ang mga guwardiya sa mga malls sa kanilang mga empleyado lalo na kapag lumalabas ang mga staff. Binubulatlat talaga ang kanilang bag, kulang na lang ikalat ang gamit para masiguro na hindi sila nakupitan at seryoso ang body check pero sa mga mall goers, hindi po!

Kailangang one o two step ahead sana ang mga mall owners o kahit na anong establisimiyento para masiguro na maprotekhan ang kanilang mga customers laban sa mga taong may masamang binabalak.

Kahit sa Metro Rail Transit (MRT) napansin kong isang silip lang ang ginagawa ng mga guwardya sa bag ng mga pasahero gamit ang wood stick.

Nakaka-detect ba ang wood stick ng mga kargada? Bakit hindi namumuhunan ang MRT para maprotektahan ang pasilidad at mga pasahero nila? Sabagay, palpak nga pala ang serbisyo ng MRT.

Pero ang punto ko, dapat laging alerto ang lahat lalo na’t walang nakakaalam kung kailan aatake ang mga masasamang loob. Okey na sa akin na overacting sa security kesa may pagsisihan balang araw.

Teka nga pala, may janitor ba sa MRT? Bakit ang dumi sa hagdan at bago ka umakyat sa entrada eh may garbage bag na nilalangaw at nanlalagkit ang sahig?

Hindi ba nahihiya ang MRT sa mga pasahero? O talagang wala na silang hiya dahil serbisyo nga nila palpak eh, maglilinis pa kaya? Magtatatlong buwan na ang bagong administrasyon wala pang pagbabago sa MRT. (dpa_btaguinod@yahoo.com)

One Response