Isang binata ang nahuli sa aktong hawak-hawak ang mamahaling fighting cock na ninakaw niya sa opisyal ng Bureau of Jail and Penology (BJMP), kahapon nang madaling-araw sa Malabon City.
Base sa report, kinilala ang nadakip na si Christian John Najera, 22, nakatira sa Flovi Homes 1, Letre, Paradise Village, Brgy. Tonsuya ng nasabing lungsod.
Sa report ng pulisya, ala-1:45 nang madaling-araw nasalubong ng mga nagpapatrulyang mga tanod na sina Noel Lumberia, Jery Jose at Roldan Donaire ang suspek sa Hernandes St., Brgy. Catmon, Malabon City na may hawak na panabong na manok.
Sinita ng mga tanod si Najera kung bakit may dala itong manok ng
ganu’ng oras pero tumakbo ang una at inihagis sa mga nanita ang panabong.
Bunga nito, hinabol nila ang suspek hanggang sa makorner at doon na sinabi ng huli na pag-aari ito ni Clark Napoleon Bacdangan, 40, BJMP official, na naninirahan sa Hernandez St., Brgy. Catmon, Malabon.
Dinala kay Bacdangan ang kawatan kasama ang manok na panabong at nang puntahan nila ang farm ng una, nakumpirma na nawawala nga ang isa nitong alaga na nagkakahalagang P10,000.
Kinasuhan ng theft sa Malabon Prosecutor’s Office si Najera.