‘Mamba’ ni Kobe niretiro ng Sports Academy

Ini-retire na ng Southern California Sports Academy ang “Mamba” nickname ni late National Basketball Association great Kobe Bryant sa pangalan ng establisimiyento.

Taong 2016 nang nang itatag ang academy, kasabay ng pagre-retiro ni Kobe sa Lakers makalipas ang 20 seasons at limang kampeonato. Noong 2018, naging co-owner si Kobe ng academy at ginawa itong Mamba Sports Academy.

January 26, namatay si Kobe sa isang helicopter crash sa Calabasas, California kasama ang anak na si Gianna, 13, at pitong iba pa.

Papunta sana noon ang grupo sa MSA para sa isang torneo. Naglalaro roon si Gianna at ilan pang dalagitang kasama nilang namatay sa crash, si Kobe ang coach.

Hindi na nakarating ang grupo sa Thousand Oaks.

Nasa kasagsagan na ng laro nang pumutok ang balita sa aksidente. Tumigil ang players, nag-iyakan ang mga tao sa gym nang makumpirma ang pangyayari.

Isasabit sa rafters ang ‘Mamba’, ibabalik na sa dating Sports Academy ang pangalan ng facility.

Ikinukonsidera ang academy bilang bagong tahanan ng G League select program na uumpisahan bago matapos ang taon. Sa ilalim ng programa, bibigyan ng isang taong preparasyon ang elite players na piniling huwag nang mag-college pero hindi pa eligible sa NBA draft. (Vladi Eduarte)