Mana ng mga anak ni Willie kasado na

Mana ng mga anak ni Willie kasado na

At lumuha ang payaso. Nabubuhay sa pagkokomedya si Willie Revillame. Kahit seryosong paksa na ay parang biro pa rin para sa kanya.

Palagi siyang masaya at nagpapasaya. Parang hindi siya dinadalaw ng kalungkutan. Pero pagdating na sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga anak, ay hinuhubad ni Willie ang kanyang maskara bilang payaso.

Pagkatapos ipalabas ang isang mahabang VTR sa kanyang Tutok To Win na kinapapalooban ng madadramang tagpo sa pagitan ng mga kinapitan ng COVID-19 at ng kanilang mga kapamilya, sa pagbalik ng mga camera kay Willie ay nakatungo siyang lumuluha, kaya nag-cue na lang siya ng gap.

Sa mga hindi gaanong nakakikilala sa aktor-TV host, gusto namin siyang purihin sa pagiging responsableng ama sa kanyang mga anak, iba-iba man ang kanilang ina ay hindi sila kailanman pinabayaan ni Willie.

Kapag meron siyang mahaba-habang panahon ay ipinasusundo niya ang kanyang mga anak, magkakasama silang nagba-bonding sa kanyang bahay sa Tagaytay, du’n niya binabawi ang mga panahong hindi sila nagkakasama-sama.

Maaaring hindi siya perpektong karelasyon, hindi rin siya nagpapanggap na perpektong tao, pero sa pagiging ama ay saktung-sakto ang mga katangian ni Willie Revillame.

Wala siyang anak na itinanggi, wala siyang pinabayaan, buhay na buhay pa siya pero ngayon pa lang ay nakahanda na ang kanyang last will and testament na ang nakasaad ay proteksiyon pa rin sa kinabukasan ng kanyang mga supling.

“Hindi ko na nakikita ang mga anak ko, gustung-gusto ko na silang makasama, pero hindi naman puwede dahil sa lockdown,” pahayag ni Willie.

Iza obligadong mag-donate ng plasma

Sa isang bahagi ng dokumentaryo ni Howie Severino, ang “Ako Si Patient 2828,” ay may panayam kay Iza Calzado na nakaligtas din sa COVID-19.

Dire-diretsong naikukuwento ng magaling na aktres ang matindi niyang pinagdaanan sa pakikipaglaban sa coronavirus pero kapag nauuwi na sa mga frontliners ang tanong ay biglang may bumibikig sa kanyang lalamunan.

Nagiging emosyonal si Iza, nangangapa siya ng sasabihin, hindi niya alam kung paano niya pasasalamatan at papalakpakan ang mga kababayan nating nagbubuwis ng buhay sa gitna ng giyera ng COVID-19.

Nakita niya kasi ang indultong pinagdadaanan ng mga frontliners sa ospital, hindi na sila umuuwi, nakasalang sa kamatayan ang kanilang buhay para lang makapagserbisyo sa mga maysakit.

Nakahandang magbigay ng plasma si Iza para makapagligtas din ng ibang buhay, ang kanyang sinserong sabi, “Obligasyon ko ito sa kapwa ko, sa lipunan natin, dahil na-bless akong makaligtas.”

Walang kadamot-damot sa katawan si Iza Calzado, itinuturing niyang napakalaking milagro ang pagkaligtas niya sa coronavirus, kaya kung puwedeng paghimalaan din ang kanyang kapwa ay bakit niya ipagdadamot ang kanyang dugo?

Ang pasasalamat niya sa Diyos ay walang humpay, ang utang na loob na tinatanaw niya sa mga frontliners na nag-alaga sa kanya ay hindi niya nga naman mababayaran, kaya gusto rin niyang makatulong sa mga kababayan nating nakikipaglaban pa ngayon sa kanilang buhay.

At ngayon namin totoong puwedeng sabihin at ipangalandakan na sa kahit anong sitwasyon ng kanyang buhay ay napakaganda talaga ni Iza Calzado.

Hindi siya alipin ng make-up, hindi siya umaasa lang sa magandang anggulo ng mga camera, may nakasalpak nang kung anu-anong aparato sa kanyang mukha at katawan ay napakaganda pa rin niya.