Maraming pamahiin ang mga Pinoy sa Semana Santa na ipinamana ng ating mga nakatatanda. Ang isa na rito na paborito ng mga nagtitipid sa tubig – ang huwag maligo pagsapit ng alas-tres ng Biyernes Santo.
Sa totoo lang naman, wala namang masama sa pagsunod sa mga ganitong pamahiin kung makatutulong sa ating pagkatao lalo na kung wala namang mawawala at kung hindi ka gagastos.
Katunayan, kasama rin sa mga bilin ng mga nakatatanda na manatili sa bahay at huwag maglakwatsa kapag Mahal na Araw, lalo na kung Biyernes Santo at Sabado de Gloria dahil ito ang araw na sinasabing ‘patay’ si HesuKristo. Pero sa totoo lang, tandaan na isang beses lang ‘tinubos’ ng Anak ng Diyos ang kasalanan ng mga tao.
Sa mga nagtitipid at gusto lang mag-staycation sa bahay, aba’y walang masama kung susundin ang pamahiin na huwag maglakwatsa. Bukod nga naman sa hindi ka gagastos, mababawasan din ang posibilidad na maaksidente ka sa daan.
Sa dami kasi ngayon ng mga buraot na motorista sa lansangan – lalo na ang mga nagmomotorsiklo na hindi marunong sumunod sa batas-trapiko – aba’y para ka laging nakikipaglaro kay kamatayan kapag nasa kalsada.
Samantalang kung nasa bahay ka lang, maaari kang magsawa sa katutulog lalo pa’t kasama rin sa mga bilin ng mga nakatatanda na hindi dapat maging maingay at maharot sa Holy Week lalo na sa araw na ‘patay’ si HesuKristo kaya malamang na tahimik sa iyong paligid.
Kasama nga rin sa bilin ng ating mga nakatatanda na huwag maligo pagsapit ng alas-tres ng Biyernes Santo dahil ito raw ang oras na binawian na si HesuKristo mula sa pagkakapako sa krus. Kapag sinaway daw ito, baka may masamang mangyari sa iyo.
Sinasabi rin ng mga nakatatanda na huwag maging malikot o maglaro sa mga panahong iyon upang hindi ka masugatan. Mas matagal daw kasing gumaling ang sugat kapag natamo sa oras na ‘patay’ si Kristo.
At habang ‘patay’ si HesuKristo, mamamayagpag daw ang kampon ng kadiliman kaya huwag magpapaabot ng dilim sa daan.
Mas malakas din ang kapangyarihan ng mga naniniwala sa kadiliman gaya ng mga mangkukulam at maglilipana ang mga engkanto. At ito raw ang panahon na mabisang dasalan ang mga agimat. Mayroon kayang bertud na panggayuma sa mga botante? Aba’y malapit na eleksiyon, tiyak na magiging mabenta ito sa mga pilit na gustong maging senador.
Pero hindi naman lahat ng pamahiin eh panakot lalo na sa mga bata. May bilin din kasi ang mga nakatatanda na para sa mga bata na tumalon sa Sabado de Gloria para tumangkad na tulad nang ginagawa kapag nagpapalit ang taon. Ang mga katulad kaya ni ano… may pag-asa pa kaya?
Gaya nga ng sabi natin, walang masama kung susunod sa mga pamahiin kung hindi ka naman gagastos o makatutulong para ka maging tao.
Katunayan, puwede ka pa rin naman maligo sa Biyernes Santo bago sumapit ang alas-tres para hindi ka mamaho. At kung kating-kati naman ang paa at gusto pa ring maglakwatsa, eh ‘di mag-ingat na lang sa lansangan at tiyaking naka-lock ang bahay nang hindi makapasok ang masamang espiritu, este masasamang loob.
Pero ang pinakamahalaga pa rin, huwag kalimutan ang tunay na mensahe ng Semana Santa at maglaan ng panahon para magnilay bilang isang Katoliko. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”