Mga laro ngayon: (Ynares Center, Antipolo)
4:15 p.m. — KIA vs Blackwater
7:00 p.m. — TNT vs GlobalPort
Hindi pa rin nakakatikim ng panalo ang KIA sa pitong laro kaya maliit na lang ang kanilang tsansa para makahirit ng laro sa susunod na phase.
Gayunpaman, seryoso pa rin ang Picanto sa kampanya nito, kaya pinalitan ang kanilang import na si Markeith Cummings na hindi sila nabigyan ng kahit isang panalo sa PBA Governors Cup.
Ibabandera ng Picanto si former University of Memphis stalwart Geron Marquis Johnson pagharap kontra sa Blackwater ngayong alas-4:15 ng hapon sa Ynares Center, Antipolo.
Kakapitan ng KIA si 25-year-old native mula Dayton, Ohio, Johnson kasama sina Reden Celda at LA Revilla upang tuldukan ang kanilang kalbaryo.
Bukod sa Picanto, bokya rin sa panalo ang Alaska (0-6) kaya krusyal na ang bawat laro nila.
Pagkatapos ng Blackwater, makakalaban ng KIA ang Aces sa September 10, sunod ang powerhouse San Miguel sa 16th at sa 22nd ang Star.
Naglaro na rin si Jonhson sa Chipola College at Garden City Community College pero sa Memphis siya nakilala at nag-graduate ito sa nasabing eskuwelahan ng bachelor’s degree sa interdisciplinary studies.
Hindi na draft si Johnson sa NBA (2014), naglaro ito sa Rio Grande Valley Vipers sa NBA D-League.
Sa pangalawang laro, (7 p.m.) pakay ng Talk ‘N Text na pahabain ang kanilang winning streak sa tatlo pagtapat nila sa GlobalPort.
Hawak ng Ka Tropa ang 4-2 record matapos nilang paluhurin ang Elite noong Miyerkules.
Samantala, lalaro na sa Blackwater si Chris Ellis matapos siyang i-trade ng Barangay Ginebra kapalit ni Art Dela Cruz.