Aminado si Vice President Leni Robredo na limitado lamang ang mandato ng Pangalawang Pangulo kaya hindi siya lubusang makagalaw partikular sa pagbibigay ng tulong tulad na lamang sa pangangailangan ng mga katutubong kababayan o indigenous people.
Sa kanyang pagsasalita kahapon sa 2017 National Indigenous Peoples’ Summit, inihayag ni VP Leni ang kahalagahan na pakinggan ng pamahalaan ang boses ng mga katutubo.
Hindi maitago ni Robredo ang pagkadismaya sa tila pagbabalewa o hindi pagbibigay atensiyon ng pamahalaan sa boses ng mga katutubo gayong simple lang naman ang pangangailangan ng mga ito.
“Hindi naman malalaki yung mga pangangailangan, kadalasan simple, kadalasan payak at kadalasan maliit lang, pero dahil hindi nabibigyan ng malaking atensyon, dahil hindi nabibigyan ng malaking boses, hindi naipapahayag nang maayos yung pangangailangan,” ayon kay Robredo.
Marami umanong mga programa ang pamahalaan para tulungan ang mga katutubo ngunit dahil hindi naman pinakikinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga ito hindi natutugunan nang maayos at sapat ang pangangailangan ng mga ito.