Mandatory drug test sa Manila bgy. officials

drug-tests

Isasailalim sa ‘mandatory’ drug test ni Manila Mayor Joseph Estrada ang lahat ng mga opisyales ng barangay kasunod ng pagkamatay ng isang barangay chairman na umano’y protector ng illegal na droga noong Biyernes sa Quiapo, Maynila.

Binalaan ni Estrada na kaagad na tatanggalin sa serbisyo ang mga barangay officials na magpopositibo sa drug test.

“Gagawin natin ‘yan, walang exempted,” ayon kay Estrada.

Inanunsyo ni Estrada ang mandatory drug test sa mga opisyal ng barangay matapos ang raid sa Islamic Center sa Quiapo nitong Biyernes. Patay matapos makipagbarilan sa pulis ang chairman ng Barangay 648 na si Faiz Macabato.

Kapatid nito ang napaslang ding drug suspect na si Gaus Macabato.

Ayon kay Estrada, mabigat na parusa ang ipapataw sa mga opisyal ng barangay na mapapatunayang adik.

“It is a betrayal of public trust. Binoto sila ng tao. Karapat-dapat pa ba sila sa kanilang posisyon kung sila mismo ay adik?” pagdidiin ni Estrada.

Magugunita na noong nakalipas na Agosto 8 ay pinangunahan ni Estrada ang 36-miyembro ng Sangguniang Panglunsod, kabilang na si Vice Mayor Honey Lacuna, sa pagpapasailalim sa drug test kung saan nag nega­tibo ang lahat ng miyembro ng konseho.