Mandatory ROTC, hindi kailangan

Broadcaster's view-ely-saludar

Iba’t iba ang reaksiyon ng publiko sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling ipatupad ang mandatory Reserve Officer’s Training Corps (ROTC) sa mga senior high School student sa bansa.

Isa sa mga katuwiran ng Pangulo ay ang kawalan ng disiplina sa mga kabataan at ang kawalan ng posibilidad na makatuwang na kabataan sa pangangaila­ngan ng bansa pambansang seguridad.

Mas mangingibabaw daw ang pagiging patriotic o makabayan ng lahat sa pangunguna ng mga kabataan kung sumailalim ang mga senior high school student sa ROTC.

Pero hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang ROTC ay garantiya sa pagkakaroon ng mga maka­bayan at disiplinadong kabataan.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na may nangyayaring areg­luhan sa ROTC upang hindi na kailangan pang dumaan sa training ang isang estudyante at makapasa na lang ito ng walang hirap.

Magiging ugat na naman ng korapsiyon ang ROTC na alam naman ng lahat na maraming mga estudyante ang gumagawa ng paraan upang hindi na dumaan ng training.

Hindi na kailangan ang mandatory kundi ay gawing voluntary na lang upang bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na talagang gustong mag-ROTC at makaranas ng disiplina sa militar.

Kung gustong ma­ging disiplinado ang mga kabataan ay magsilbing mabuting halimbawa ang mga lider ng bansa katuwang ang maayos na gabay ng mga magulang at komunidad.

Ang hirap dito sa Pi­lipinas ay pabago bago ang patakaran na noon ay napagpasyahan na alisin ang mandatory ROTC dahil naabuso ito at nagiging ugat ng korapsiyon at nagbibigay din sa ilang estudyante ng kaisipan ng pagiging militar.

Kung talagang gusto ng gobyerno na ma­ging handa sa anumang posibilidad ng giyera o mga banta sa pambansang seguridad ay palakasin nito ang puwersa ng AFP at i-upgrade ang lahat ng mga armas at kagamitan.

Kahit pa mara­ming reserve officers sa bansa kung makaluma at pupugak-pugak ang kagamitan ng AFP ay wala ring halaga.