Mangangatay patay sa kuryente

Patay ang isang ‘butcher’ nang makuryente sa ginagawa niyang electric fan kung saan posibleng dahil sa lakas ng dumaloy na boltahe sa katawan ay tumilapon ito sa ilog na nasa tabi ng kanilang tahanan sa Barangay Obrero, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni PCpl. Morshid D. Tanog ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktimang si Alex Sabuco Sr., 48, may-asawa, butcher at taga-No. 23 Rolling Road, Brgy. Obrero, QC.

Sa inisyal na report, ang insidente ay naganap alas-10:00 ng gabi (Disyembre 26) sa Lagarian Creek, Brgy. Kristong Hari.

Ayon sa misis ng biktima na si Aling Melezalde, hinahanap niya ang kanyang mister upang ipaalala ang ginagawa nitong electric fan subalit nang mapadungaw sa bintana ay laking gulat niya nang makita ang palutang-lutang na katawan ng asawa sa katabing ilog.

Sa pagsisiyasat ay lumitaw na pagka-kuryente ang ikinamatay ng biktima kung saan hawak pa nito ang ‘front grill’ ng electric fan na nakakonekta sa may 20 metro ng kable ng kuryente. (Dolly Cabreza)