Manggagawa bayaran `pag nahawa ng COVID – TUCP

Umapela sa gobyerno ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na bigyan ng employment compensation ang mga manggagawa sakaling mahawa ito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Allan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP, na mahalaga ito sa mga manggawa na nahawa at isinailalim sa quarantine,

Nabatid pa kay Tanjusay na sa ngayon aniya nasa dalawang milyong manggagawa ang no work, no pay at 345,000 pa lamang ang nabibigyan ng ayuda.

Nanawagan din ang TUCP sa gobyerno at mga may-ari ng negosyo na magsagawa ng disinfection sa kanilang mga opisina.

“Marami po ang nangangamba sa mga manggagawa at union members sa second wave ng infections `pag `di isinagawa ang disinfection,” ani Tanjusay.

Bukod sa pag-disinfect sa mga opisina, hiniling pa ng grupo na kailangang magkaroon din ng maayos na transportasyon sakaling bumalik na ang mga manggagawa sa kanilang trabaho.

“Posibleng dumami ang COVID-19 cases kung walang maayos na transportasyon sa mga manggagawa,” pahayag pa ni Tanjusay. (Riz Dominguez)