Itinakbo ni Roel “Bornok” Mangosong ng Davao ang titulo bilang numero unong rider sa bansa matapos dominahin ang Diamond Motor Supercross nitong Sabado sa MX Messiah Fairgrounds sa Taytay, Rizal.

Sinakote ng Yamaha Motor Philippines bet na si Mangosong ang fifth and last leg sa kumbinsidong panalo kina JC Rellosa, Jerick Mitra at Buboy Antonio para magkampeon sa Pro Open Overall sa hinarbat na tatlong leg wins sa limang yugtong serye tungo sa 119 overall points.

Nag-uwi si Mangosong ng P94,000 mula sa unang leg pati na sa GoPro Hero 5 Session sa pagkilala rin sa kanya bilang GoPro Holeshot Awardee sa nakamit na 4-of-5 holeshots.

Dinale ni Maynard Mercado ang GoPro Amateur Open, namayagpag si Quiana Reyes sa DC Ladies, ang kapatid niyang si Wenson ang nanalo sa Kids 65cc at 85cc, at nasikwat ni Nathaniel Morales ang overall title sa Kids 50cc.

Si elite rider Jing Leongson ang naupo sa trono sa Coffee Grounds veteran class, si MMF rider Jojo Sayas ang panalo sa Dunlops executive class.