Mangungurakot sa SAP may kalalagyan kay Duterte

Titiyakin ng Malacañang na hindi matutulad sa Yolanda fund ang bilyon-bilyong pisong inilabas ng gobyerno para tulungan ang 18 milyong mahihirap na pamilyang naapektuhan ng krisis sa coronavirus disease 2019.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng ulat na P45 bilyon na lamang ang natira sa pondong inilaan para sa Special Amelioration Program (SAP) subalit marami pa ring mga pamilya ang hindi nakatanggap ng tulong pinansiyal sa gobyerno.

Ayon kay Roque, mabigat ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa magkakainteres sa pondong para sa mahihirap na Pilipino lalo na ngayong panahon ng krisis.

Nais aniya ni Pangulong Dutere ang zero tolerance dahil ang katapat ng lalabag nito ay mahaharap sa mabigat na parusa.

“Malinaw po ang babala ng ating Presidente, zero tolerance doon sa korapsiyon lalong-lalo na kung ang pagpipiyestahan ay iyong ayuda para sa mga naghihirap dahil sa ECQ,” ani Roque.

Hindi aniya makalulusot ang mangungurakot sa pondo dahil tiyak na makakatikim ito ng leksiyon mula kay Pangulong Duterte.

“Parurusahan kayo, hahanapin kayo kung sino kayo at siguradong-sigurado na magsisilbing leksiyon ito sa lahat,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)