Manila Bay mabubura sa 40 reclamation project

Iginiit kahapon ng mga mambabatas na mi­yembro ng Makabayan bloc sa Kamara na ipagpaliban o suspendehin ang rehabilitasyon ng Manila Bay habang hindi pa nailalatag ang komprehensibong pag-aaral kaugnay sa magiging implikasyon nito sa mga informal settler.

Sa House Resolution No. 2452 na inihain ng Makabayan bloc kahapon, iginiit ng grupo na isapubliko muna ang master plan at magkaroon ng public consultation.

Umalma ang mga kongresista dahil magbibigay-daan lamang umano ang rehabilitation program sa mahigit 40 reclamation project sa Manila Bay.

Kabilang sa mga reclamation project na tinukoy ng Makabayan bloc ang 148-hektaryang joint venture Solar City’ reclamation project ng Manila Goldcoast Development Corp. at ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila; ang 360 hektaryang joint venture para sa reclamation project ng SM Prime Holdings Inc. at local government ng Pasay City; at ang 265-hektar­yang joint venture para sa Pasay Harbor City ng consortium ng negosyanteng si Dennis Uy at ng ­Pasay City.

Samantala, padadalhan na umano ng liham ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nga­yong araw ang lokal na pamahalaan ng Pasay City upang mapuwersa itong ipasara na ang mga establisimyento sa Manila Bay na kanilang inisyuhan ng cease and desist order (CDO).

Tiniyak din ng DENR na madadagdagan pa ang mga establisimyento na bibigyan ng CDO dahil sa paglabag sa environmental laws.