Manila bishop: Online kumpisal `di puwede

Ginagamit na rin ng Simbahang Katolika ang internet para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo subalit mananatili ang tradisyon nito hinggil sa pangungumpisal.

Base sa CBCP News, binigyang-diin ni Manila Archdiocese administrator Bishop Broderic Pabillo na kailangan ang personal na pag-uusap sa pagitan ng isang nangungumpisal at nagpapakumpisal.

Kailangan din aniya na mabigyan ng proteksyon ang `secrecy and sincerity’ ng pangungumpisal.

Muling napag-usapan ang isyung ito dahil na rin sa ipinatupad na lockdown sanhi ng coronavirus pandemic.

Dahil sa lockdown ay pansamantalang ibinawal muna ang pagdaraos ng mga Misa para maiwasan na mahawa sa COVID-19 ang mga nagsisimba. Kabilang sa apektado nito ang pangungumpisal lalo na nitong katatapos lang na Semana Santa.

Bagama’t ipinagbabawal sa mga pari na magpakumpisal online o sa pamamagitan ng telepono, sinabi naman ni Bishop Pabillo na puwedeng gamitin ang mga ganitong paraan ng komunikasyon para sa pagbibigay ng spiritual counsel.

At kung hindi aniya pwedeng gawin ang `sacrament of reconciliation’ sa isang pasyente na naka-quarantine, sinabi ni Pabillo na maaari namang isagawa ang `act of contrition’.

“An act of perfect contrition always has been a part of our Catholic tradition. God is always present to us, even when the Sacrament of Reconciliation is not possible,” ani Bishop Pabillo.

Sa isang dokumento na inisyu ng archdiocese noong Miyerkoles, nakasaad ang mga gabay hinggil sa pangungumpisal bilang paghahanda na rin kapag pinayagan na ang pagdaraos ng mga religious service.

Base sa gabay, magkakaroon ng physical distancing sa confessional boxes at kailangang magsuot din ng face mask ang pari at ang mangungumpisal.

“If this cannot be done then have the confessions done outside the confessional box, with one meter distance between the penitent and the priest,” ani Pabillo.

Puwede rin aniyang mag-organisa ang mga parokya ng `kumpisalang bayan’ o mass confession,

“Proper physical distancing should be observed as during the Mass. The parishes in the vicariates can help one another here,” ayon pa kay Bishop Pabillo.