‘Manila Clasico’ ulit sa Big Dome

‘Manila Clasico’ ulit sa Big Dome

Manila Clasico na naman sa Smart Araneta Coliseum mamaya.

Labu-labo ang magkaribal na Magnolia Hotshots at Ginebra sa second game ng PBA Commissioner’s Cup, pagkatapos ng bakbakan ng conference-leader TNT KaTropa (8-1) at running third Blackwater (6-3).

Nabuhayan ang Elite, mataas ang kompiyansang sasalang at sasakay sa 104-99 overtime win sa Magnolia noong Biyernes.

Inumpisahan ng Hotshots ang midseason tournament sa 0-2, tinuhog ang sumunod na lima bago natisod sa Blackwater.

Nalaglag sa fourth ang Magnolia, nasa ilalim lang nila ang Gin Kings sa 5-4, huling tinagay ang 118-106 win sa Alaska.

Sa larong ‘yun, nagpakita ang locals ng Gins para umayuda kay Justin Brownlee na nagsumite ng 27 points, 14 rebounds at 8 assists. Pinakamaangas si Stanley Pringle na may 27 points din, nagdagdag ng tig-22 sina LA Tenorio at Japeth Aguilar.

Isang linggo pang nakapahinga ang hukbo ni coach Tim Cone pagkatapos ng huling laro noong June 30, dagdag panahon para magamay pa ni Pringle ang sistema ng Gins na nakakadalawang linggo pa lang matapos mai-trade mula NorthPort.

“Sana lang itong week of preparation going to the Manila Clasico, matutunan unti-unti ni Stan ‘yung sistema namin going to the playoffs,” ani Tenorio.

Kontra Ginebra ay mapipiga muli si Paul Lee na naglista ng 25 points kontra Blackwater, ang tatlong free throws niya sa final seconds ang nagpuwersa ng OT. (Vladi Eduarte)