Nagsimula nang uminit ang poker season natin dito sa Pilipinas at isa na namang bigating international event ang nakalinyang gawin sa ating bansa.
Sasalubong sa tag-init ang 11th edition ng Manila Megastack na gaganapin sa Okada mula Marso 1 hanggang 10. Alam naman natin na dinomina nating mga Pinoy ang Asia Player of the Year (APOY) race noong nakaraang taon kung saan ang kababayan nating si Mike Takayama ang sumikwat ng prestihiyosong APOY award. Kapwa rin natin Pinoy ang pumangalawa at pumangatlo sa katauhan nina Alexis Lim at Richard Marquez.
Maraming puntos sa APOY race ang nakataya sa Manila Megastack kaya lagi itong dinudumog ng mga international players, lalo na ng mga kapitbahay natin sa Asya.
Katulad ng dati, pambungad ng Manila Megastack ang Kickoff Event nito na may garantisadong P3 milyon na premyo. Medyo tumaas na ang entry fee nito na ngayon ay P12,000 na mula sa dating P10,000.
Pati ang Main Event ng Manila Megastack ay mas tumaas na rin. Dati ay P30,000 ang karaniwang entry fee nito pero ngayon ay nasa P33,000 na. Pero kahit na nadagdagan ang kailangang ilabas ng mga manlalaro ay pihadong dudumugin pa rin ito lalo na at may P10 milyon na garantisadong premyo ang Main Event.