Ipon tubig 3-oras na lang

Lalo pang tatagal ang nararanasang water service interruptions na Maynilad Water Services Inc. at ng Manila Water Company Inc. simula ngayong araw dahil babawasan ulit ng National Water Resources Board ang kanilang alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam.

Dahil dito, asahan na lalo hahaba ang oras ng mga water interruption na dahilan upang mag-panic mode na ang maraming mga kostumer ng dalawang water concessionaire lalo pa’t may mga water advisory na halos tatlong oras na lang ang magiging supply ng tubig sa ilang lugar.

Ayon sa NWRB, ibaba ang alokasyon ng concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerag­e System (MWSS) sa 36 cubic meters per second (cms) mula sa 40 cms ngayong Sabado dahil mas mababa na ang water level ng Angat Dam sa 160 meters na ngayon ay nasa critical level na

Nagsimulang bawasan ang alokasyon ng Maynilad at Manila Water noong Hunyo 19 nang ibinababa ito sa 40 cms mula sa 46 cms para makatipid ng tubig at hindi agad bumagsak sa kritikal ang laman na tubig ng Angat Dam at tumagal pa ito.

“The NWRB will further reduce the raw water allocation from Angat Dam for Maynilad starting June 22. As a result, Maynilad is constrained to implement new rotational water service interruptions throughout our concession area to maximize the limited supply and ensure that all customers will have some water supply daily,” sabi ng Maynilad.

Ganoon din ang gagawin ng Manila Water na nag-update ng schedule ng rotational service interruption simula ngayong araw dahil sa pagbawas ng NWRB ng alokasyon nila ng tubig.

Pinaalalahanan ng MWSS ang Maynilad at Manila Water na sundin ang kanilang mga inaanunsiyong water service interruption.

Batay sa concession agreement, kailangan bigyang abiso ng Maynilad at Manila Water ang kanilang mga kostumer kung magkakaroon ng problema sa suplay ng tubig.

Ayon sa MWSS, kahit hindi kasalanan ng dalawang kompanya ang kasalukyang problema sa tubig dahil binawasan ng NWRB ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila mula sa Angat Dam, nasa poder naman ng mga ito ang pagpapatupad ng water service interruption.

Kung patuloy na magpapatupad ng water interruption ang mga ito na wala sa kanilang inilabas na schedule ay ituturing ito na paglabag sa concession agreement at maari silang patawan ng panibagong penalty.

Ayon sa MWSS, lumalaki ang konsumo ng tubig ng mga tao dahil dinadamihan nila ang kinokolektang tubig lalo na’t nadanasan na nila na unang nawawala ang tubig bago ang anunsiyo at naranasan na nilang walang tubig kahit na naka-schedule sila na may tubig dapat.

Samantala, muling naglabas ng iskedyul ang Maynilad kaugnay sa gagawing rotational water service interruption kasunod ng pagbabawas ng National Water Resources Board sa alokasyon ng tubig na nagmumula sa Angat Dam simula ngayon, Sabado.

Tumanggap ito ng iba’t ibang puna mula sa mga netizen na nalamang halos dalawang oras na lamang sa isang araw ang magkakaroon ng supply ng tubig, partikular ito sa ilang barangay sa Imus, Cavite.

Kabilang rito ang Brgy. Anabu 1 at 2 C hanggang F, Malagasang 1-D hanggang I-G at Malagasang 2-A at B na mawawalan ng supply mula alas-sais nang umaga hanggang alas-tres linggo nang madaling-araw.

Ayon sa netizen na si Josefino Boyet Serrano, “D namin mga Sr citezen gumising ganyang oras. Maawa na naman kau. Bakit ung ibang bgy 5-8 hrs my supply.”

Habang himutok ni Beth Estano, “ano? 3hours lang supply nyo? madaling araw pa…. paano naging patas ang rotational supply nyo?”

Ang iba pang barangay sa nasabing siyudad ay mawawalan din ng tubig na aabutin nang 15 oras.

Sa Metro Manila, inanunsyo rin ng Maynilad ang mga barangay sa bawat siyudad na maapektuhan ng higit 18 oras na kawalan ng supply ng tubig.

Gayunman, ayon sa mga netizen, Biyernes pa lamang umano ay nawalan na sila ng tubig. Sabi ni Annalyn Parayno, “21 palang ngayun pero wala na kmi tubig. mali ata kalendaryo nyo!”

Ang ilan nagsabi na puyatan na naman umano at mahabang pila ang kanilang mararanasan para makapag-igib. (Eileen Mencias)