Matapos yumaman sa pagbebenta ng lupa at bahay, pinasok na rin ng pamilya ni dating Senate President Manny Villar ang negosyo sa tubig.

Ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ang Prime Water Infrastructure Corporation ng mga Villar kasama ang PAVI, MGS Construction Inc. at Tahal Group ng Israel ang nagsumite ng pinakamagandang bid para sa water at wastewater infrastructure pro­ject sa New Clark City.

Sabi ng BCDA, P9.45 per cubic meter ang bid ng grupo ng Prime Water para sa tubig sa New Clark City, mas mababa kaysa sa P11 per cubic meter bid ng Manila Water Company ng mga Ayala.

Binanggit ni BCDA senior vice president at CFO Nena Radoc, dadaan sa post qualification process ang consortium ng Prime Water bago i-award sa kanila ang proyekto.

Dagdag ng BCDA, ang singil na P9.45 per cubic meter ay para sa suplay lamang ng tubig at ganoon din ang gagawing singil para sa waste­water services kaya ang kabuuang magiging si­ngil ay P18.90 per cubic ­meter.

Ang proyekto ay para sa 30 taon at ang singil na P18.90 ay para sa ­unang limang taon lamang ng proyekto.

Nais ng BCDA na mapirmahan ang joint venture agreement sa consortium ng Prime Water bago matapos ang buwan.

Ang New Clark City ay nasa loob ng Clark Special Economic Zone.

Bagama’t nagretiro na sa politika si Manny, kasama naman nito sa negosyo ang anak na si Paolo, habang ang isa pang anak na si Mark ay kalihim naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang asawang si Cynthia ay miyembro ng Senado.