Hiniling ng Manila Water sa Supreme Court (SC) na ikonsidera ang desisyon nito na nagpapataw ng multa sa kanilang kompanya dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9275 o The Philippine Clean Water Act of 2004.
Sa 55 pahinang motion for reconsideration na may petsang Oktubre 2, hiniling ng Manila Water sa pamamagitan ni Atty. Alejandro Alfonso Navarro, na ibalik ang naturang usapin sa Court of Appeals o sa tanggapan ng kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) o sa alinmang kaukulang ahensiya ng gobyerno para matukoy ang mga unresolved factual issue, kabilang na ang kanilang pananagutan at multa.
Giit ng Manila Water na taliwas sa mga finding ng korte, sumunod naman ang kanilang kompanya sa mga probisyon ng Section 8 ng naturang batas.
Sinabi pa ng Manila Water na hindi lang naman sila ang dapat sisihin dahil obligasyon din ng mga pamahalaang lokal na suportahan ang pagpapatayo ng mga water treatment facility na ikokonekta sa sistema ng mga water concessionaire.
Giit pa ng Manila Water na sa ilalim ng Section 8 ng batas, nakasaad na kailangan nilang ikonekta ang umiiral na sewage lines noong pinagtibay ang RA 9275 sa loob ng limang taon matapos maging epektibo ang batas noong Marso 6, 2004.
Maging ang Kongreso umano ay alam na napakalaking trabaho ang pagkakaloob ng kumpleto at sentralisadong sewerage system sa ilalim ng Clean Water Act kung kaya’t inatasan din ang ilang ahensiya ng gobyerno at mga local government unit, na ipatupad ang batas. (PNA)