Lumikha ng kalituhan ang naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbayad ng P50 milyong ransom sa bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) kapalit ng kalayaan ng kanilang bihag na isang Norwegian national.
Ito ay matapos na klaruhin kahapon ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang isyu at iginiit na hindi ang gobyerno ang nagbayad sa bandidong grupo kapalit ng kalayaan ni Kjartan Sekkingstad.
Dapat lamang na maging alerto o listo ang Palasyo ng Malakanyang sa pagtatama ng mga impormasyong katulad ng usaping ito sa pagbabayad ng ransom money sa Abu Sayyaf.
Para sa amin, kailangang maging klaro ang posisyon ng gobyernong Duterte sa usapin ng pagbabayad ng ransom sa mga biktima ng pagdukot ng ASG upang maging malinaw sa bandidong grupo na patuloy na naghahasik ng karahasan at walang takot sa pagdagit ng mga inosente nating kababayan at mga dayuhan sa pagnanais na kumolekta ng limpak-limpak na salapi bilang ransom na wala silang karapatang magpatuloy sa kanilang iligal na aktibidades dahil hindi kukusintihin ng pamahalaan ang kanilang iligal na gawain.
Naniniwala rin kami na kailangang ipamalas ng pamahalaan ang matigas na paninindigan sa “no ransom policy” para maisip ng bandidong grupo na ito na walang kahahantungan ang kanilang maling gawain.
Mahalaga rin sa puntong ito na maging sensitibo ang Pangulo sampu ng mga opisyal ng gobyerno sa pagtalakay ng isyung may kinalaman sa ASG lalo na sa pagbibigay ng ransom dahil maaari itong maging daan ng paglakas-ng-loob ng bandidong grupo na ipagpatuloy ang kanilang pagdukot sa halip na itigil na ang kanilang iligal na gawain.
????????