Sinimulan na ni Senador Leila De Lima ang paniningil ng utang sa mga mambabatas na lumibak at dumungis sa kanyang pangalan. Mahaba raw ang listahan ng mga kongresistang ipapa-ban nito sa Estados Unidos. Lahat ng ito, may kaakibat na dahilan kung bakit kailangan silang i-ban ng US Secretary of State.

Walang binanggit ang kampo ni De Lima kung ilan lahat ang ipapa-ban. 25 lamang ang miyembro ng House committee on justice, 5 dito ang miyembro ng Minority. Ibig sabihin, 20 ang kandidatong mapa-ban sa Amerika. Nanguna sa listahan ang natalong gubernatorial candidate ng Oriental Mindoro na si Reynaldo Umali. Siya ang dating chairman ng justice committee.

Ang masaklap nito, hindi iaanunsyo ng State Department kung sino-sino ang kanilang ipina-ban. Mabibigla na lamang ang mga kongresista pagpunta nila sa Amerika na kanselado na pala ang kanilang visa.

Nakakulong pa rin si De Lima pero unti-unti na siyang nanini­ngil ng utang sa mga taong responsable sa kanyang pagpapakulong. Nanindigan ang senadora na gawa-gawa lamang ang drug case na isinampa sa Muntinlupa Regional Trial Court. Mga preso kasi ang ginawang testigo sa kanyang kaso.

Pinag-aaralan na rin ni De Lima kung isasama niya sa listahan ng ipapa-ban sa Amerika ang mga judge at justices ng Supreme Court. Tiyak na aangal ang mga judge at justices kapag nangyari ito. Asahan din nating kakabahan ang mga kongresistang lumipad ng US dahil baka pagdating nila ng paliparan doon, agad silang pauwiin sa Pilipinas. Abangan na lang natin ang mga susunod na mangyayari.

***

May panibagong dagdag na buwis na naman sa gasolina at diesel dahil simula ngayong Enero ipatutupad ang ikatlong tranche ng excise tax sa petroleum products alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Piso kada litro daw ang itataas ng presyo ng gasolina at P1.65 naman sa kada litro ng diesel. Nagbanta na ang isang lider ng transport group na hihilingin nilang itaas sa P11 ang minimum na pasahe sa jeep. Kapag umabot sa P49 ang presyo ng diesel, P12 na ang hihingin nilang minimum fare sa jeep.

Pati na ang beep card sa LRT nagtaas na rin sa P30 mula sa da­ting P20. Okay lang ito basta hindi pasahe ang tataas sa LRT o MRT. Kapag tumataas kasi ang presyo ng bilihin at serbisyo, ang gobyerno ang pagbubuntunan ng sisi ng mga Pinoy lalo na ang mga maralita na mahalaga ang bawat sentimo sa kanilang bulsa.