Usung-uso ang mga katatakutan tuwing Undas. Bago pa maglagay ng mga palamuti ngayong Pasko, Halloween decors muna ang pinagkaabalahan ng marami. Pati mga palabas sa telebisyon, nakikiayon din sa tema ng okasyon. Samu’t saring kuwento ng katatakutan ang tampok.

Ngayong ginugunita natin ang araw ng mga namapayapang mahal sa buhay, isa-isahin natin ang mga paniniwala at tradisyong Pinoy tuwing may burol o namatay na miyembro ng pamilya. Likas na sa ating kultura ang maniwala at kumapit sa mga pamahiin. Nasa sa’yo na kung maniniwala ka o hindi.

Sa Ilocos Region, ipinagbabawal umano ang pagkain ng malunggay sa burol. Kapag inihahanda kasi ito, isa-isa at sunod-sunod na tinatanggal ang mga dahon sa tangkay. Kaya sa paniniwala nila, posibleng may sumunod na mamatay sa pamilya.

Ayon sa ilang eksperto, posibleng iniuugnay ng mga Ilokano ang kanilang buhay sa malunggay. Puwede naman daw kumain o humigop ng sabaw ng malunggay matapos ang pa-siyam ng yumaong kaanak. O ‘di naman kaya’y huwag nang isa-isang alisin ang mga dahon nito at iluto na lang nang nasa tangkay pa.

Paniniwala naman ng mga taga-Cavite, lag­yan ng pera ang kamay ng yumaong kaanak. Tiyakin lang na kukunin ito bago ihatid ang namayapa sa huling hantungan. Sina­sabing may hatid na su­werte ang perang inilagay sa kamay ng yumao. Maganda umanong panimula ng negosyo.

Sa ibang parte ng pro­binsya, naghahagis naman ng babasaging kasangkapan gaya ng baso, plato o bote oras na mailabas na ang kabaong mula sa loob ng bahay – paraan daw ito para walang sumunod na mamatay sa hanay ng pamilya.

Sa Batangas naman, tinatakpan ang salamin na naka-display malapit sa kabaong. Masama raw kasing makita sa replek­syon ng salamin ang yumao. Ibig sabihin daw nito’y doble kamala­san o trahedya. Posibleng may sumunod agad na mamatay sa pamilya.

Kapag inilabas ang kabaong mula sa loob ng bahay, dapat unahin ang bahagi kung saan naroon ang ulo ng patay. Gaya ng pagsilang sa atin – ulo ang unang iniluwal. Ganito rin daw dapat kapag namayapa na ang isang tao – ulo rin ang unang ilalabas.

Sa Leyte naman, nakaugalian nang ilabas ang kabaong mula sa bintana ng bahay para raw sa ikapapanatag ng kaluluwa ng namayapa.

Sa totoo lang, hindi naman masamang maniwala sa mga tradisyong Pilipino. Pero huwag din naman tayong magpakulong sa mga pamahiin. Hindi lahat ng nakauga­lian, tama.

Ang sa akin lang, mas importante pa ring manatili ang pananampalataya natin sa Poong Maykapal na siyang lumikha ng sanlibutan. At siyempre, huwag ding kalimutang mag-alay ng panalangin sa mga yumaong mahal sa buhay.