Boyet Jadulco
Marami ang nagulantang nang lumabas noong Marso 7 ang umano’y survey ng Social Weather Station (SWS) noong Pebrero 25-28 hinggil sa mga kandidatong pinapaborang mananalo sa May 13 senatorial election.
Pero mas marami ang nayanig kinabukasan, Marso 8, nang itanggi ng SWS na may inilabas silang survey.
Agad na nag-imbestiga ang mga kandidato kung sino ang nagpalabas ng nasabing survey. Sinisi ni Sen. JV Ejercito ang staff ng kanyang kapatid na si dating Senador Jinggoy Estrada na siyang nagpalabas umano ng survey upang mabaon siya sa standing. Hindi naman ito pinatulan ni Jinggoy tulad ng mga nakaraang patutsada ng kapatid.
Lumabas din ang ulat na ang kampo ni dating Special Assistant to the President Bong Go ang nagpakalat umano ng survey ng SWS. Ipinadala umano ito sa email at viber group ng mga mamamahayag. Sa nasabing survey, number 3 na si Bong Go at nasapawan na niya ang mga tulad nina Senador Sonny Angara at dating Senador Lito Lapid.
Nagbabala naman si SWS President Mahar Mangahas na ‘unethical’ ang maglabas ng resulta ng survey na wala sa website ng SWS. ‘Do not gratify propagandists who cannot back up their claims.’ Walang binanggit si Mangahas kung sino ang pinatatamaan niya pero matalino ang mga Pinoy sa paganalisa kung sino ang makikinabang sa paglabas ng survey kuno.
“Everyone is enjoined to rely only on the SWS website (www.sws.org.ph) for its advisories, announcements, and survey reports released to the public,” dagdag na pahayag ng SWS.
Malaki ang epekto ng pagmamanipula sa survey dahil ito ang kalimitang pinagbabasehan ng mga maiimpluwensiyang religious group sa pagpili ng kandidatong ieendorso sa darating na halalan. Nagogoyo din ang mga botante dahil napapaniwala silang ang mga pasok sa Top 12 ang siyang gustong iluklok ng taumbayan.
Hayaan natin ang mga botante ang siyang pumili kung sino ang 12 kandidatong dapat umupo sa Senado base sa kanilang kuwalipikasyon at hindi dahil sa minanipulang resulta ng survey.
***
Kung sino man ang mananalo sa darating na senatorial election, hanggang 2025 ang kanilang termino. Makikinabang din sila sa ipapatayong bagong gusali ng Senado sa Naval Village sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Isinagawa nitong Lunes, Marso 18, ang groundbreaking ng P8.9B halaga ng gusali ng Senado. Inaasahang matatapos ang proyekto sa 2021 para sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.