Manny umayuda ng facemask sa ospital

Manny umayuda ng facemask sa ospital

Hindi basta nakaupo lang sa kanyang posisyon ang Pambansang Kamao. Tahimik lang siya, pero ang kapakanan ng ating mga kababayan ang kanyang iniisip, lalo na ng mga kababayan niya sa GenSan.

Mula nang umatake ang COVID-19 ay gumagana na ang kanyang plano ng pagtulong sa ating mga kababayan. Marami na siyang tinatawagang mga kaibigan na may malaking maitutulong sa nakapaninibagong sitwasyon ngayon ng ating bayan.

Napakarami niyang kaibigan-tagahanga sa buong mundo, nang manalo siyang senador ay ang mga ito pa mismo ang nagpapaalala sa kanya na anumang oras, kapag may kailangan siya ay hindi siya magdadalawang-isip.

Sabi ng isang kaibigan ni Senador Manny Pacquiao, “Hindi lang siya masalita, pero nu’n pa, e, gumagawa na siya ng mga paraan para matulungan ang mga kababayan natin.

“Merong galing sa bulsa niya, pero may mga pagkakataong kailangan niya rin ang tulong ng mga kaibigan niya sa boxing world. At hindi naman siya hinihindian,” sabi ng aming source.

Ang unang ayuda na maibibigay ni Pacman ay ang limampung libong face mask na kailangang-kailangan ngayon ng mga nagtatrabaho sa ospital. Nagkakaubusan na kasi, ang mauutak na third party ay pumapakyaw ng mga face mask at alcohol para ibenta nang triple ang presyo, maraming nagsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon.

Mula ‘yun sa kanyang kaibigang bilyonaryong Chinese, si Mr. Jack Ma, na aminadong tagasuporta ng kampeong boksingero.

Itinuturing na bayani ni Senator Pacquiao ang mga doktor at nurses at lahat ng medical staff ng mga ospital na isinusuong ang kanilang buhay sa pag-aalaga sa mga kababayan nating may COVID-19.

Sabi pa ng senador-boksingero, “May mga sarili silang pamilya, pero ibinubuwis nila ang sarili nilang kaligtasan sa pag-aalaga sa mga may COVID-19.

“Sa halip na isipin nila na baka sila mahawahan, una pa rin para sa kanila ang kaligtasan ng mga kababayan natin. Sila ang mga bayani ng ating bayan na dapat nating pahalagahan,” makabuluhang pahayag ni Senador Pacquiao.

Ngayon pa lang siya namimitas ng mga bunga ng kanyang pakikisama at pakikipagkaibigan. At hindi para sa personal niyang kapakanan ang hinihingi niyang tulong kundi para sa mga Pilipinong naging armas din niya sa matatagumpay niyang laban bilang boksingero.

Mahalaga ang pagsasama ng pamilya

Wala kaming trabaho sa radyo, nasa bahay lang kami, hindi kami lumalabas bilang pagsunod sa alituntunin ng DOH at sa enhanced community quarantine ng ating pamahalaan.

Napakaraming maaaring gawin sa bahay. Ngayon lang natin matututukan ang paglilinis ng kapaligiran. Kulang ang maghapon kung tutuusin para ang mga bagay-bagay na hindi natin naaasikaso nu’n ay magagawa natin ngayon.

At higit sa lahat, ang napakahalagang pagsasama-sama ng buong pamilya, solido ang mga pamilyang Pilipino ngayon dahil walang pasok ang lahat ng miyembro.

At ngayon ay napasama na rin sa aming bokabularyo ang pahinga. Dati kasi, kapag may nagpapayo sa amin na magpahinga naman ay balik-tanong namin, ano pa ang spelling ng pahinga?

Pagkatapos ng mga trabaho sa bahay na ngayon lang namin naaasikaso ay kilalang-kilala na namin ang ibig sabihin ng pahinga. Sa loob nang apat na dekada ay ngayon lang namin nararanasan ang pagtulog nang mahaba-haba at panonood ng telebisyon nang hanggang anong oras namin gusto.

Pero hindi namin gustong humaba nang humaba ang panahon ng pahinga. Patikim lang ang gusto namin. Hinahanap na ng aming katawan ang aksiyon.

Ang tensiyon at takot ay wala sa aming sistema. ‘Yun ang unang-una nating dapat itapon. Walang positibong resulta ang pag-aalala nang wala naman tayong ginagawang solusyon.

Ang pag-aalala ay parang mga ibon lang na palipad-lipad. Tanawin lang natin sila. Pero huwag na huwag natin silang pababayaang magbuo ng pugad sa ating sistema.