Manok, baboy mahal pa rin kahit tapos na Pasko

Dumulog ang Laban Konsyumer Inc. (LKI) sa Department of Agriculture (DA) para ireklamo ang pinaniniwalaan nitong profiteering o pananamantala ng mga tra­der at retailer sa baboy at manok na nanatiling mahal kahit na humupa na ang pangamba sa African swine fever (ASF) at tapos na ang Pasko na nagpapasipa ng demand sa mga ito.

Ayon kay LKI president Vic Dimagiba, ang farm gate price ng manok ay nasa P76.67 per kilo hanggang P81 per kilo lamang at ang farmgate price ng baboy sa Central Luzon at Batangas ay nasa P90 hanggang P100 lamang.

Sabi ni Dimagiba, walang ginagawa ang DA sa suggestered retail price ng manok na nasa P140 at ng baboy na nasa P160 per kilo.

Sabi niya, dapat makialam na ang mga local price coordinating council ng mga local government unit (LGU) para mas maging mas epektibo ang pagpapatupad ng SRP.

Kapag kasama ang LGU, mas mapapa­lakas ang monitoring at enforcement dahil ang mga LGU ang nakaaalam ng sitwasyon sa kani-kanilang lugar.

Makikipagpulong sina Agriculture Undersecretary Ernesto Gonzalez at Assistant Secretary Kristine Evangelista ngayong araw para pag-usapan ang mandato at kapangyarihan ng kanilang mga tanggapan pagdating sa magagawa nila sa usapin ng profiteering at economic sabotage. (Eileen Mencias)