Manok ni Sara trinabaho ni Salceda

Malayo pa man ang 2022 national elections subalit talamak na ang vote-buying o bilihan ng boto kung pag-uusapan ang halalan para sa mga bagong opisyal ng Philippine Counci­lors’ League (PCL) nga­yong taon.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Tonite, nagsanib-puwersa na ang grupo nina dating PCL President at ngayo’y League of Municipalities of the Philippines president Luis ‘Chavit’ Singson at House committee on ways and means chair Joey Salceda upang si­guraduhin ang tagum­pay ng batang pamangkin ng kongresista na si Polangui, Albay Councilor Jesciel Ri­chard Salceda na tumatakbo bilang chairman ng nasabing organisasyon.

Ayon sa ilang mapagkakatiwalang source na nagmamasid sa PCL elections sa loob ng SMC Convention Center sa Pasay City, doble-kayod ang alipores ni Salceda sa pamumodmod ng iba’t ibang perks kabilang na ang mga gift check, hotel accomodation at salapi sa mga karatig restaurant at hotel kung saan naglalagi ang mga miyembro ng PCL upang ligawan ang kanilang boro pabor sa kandidatura ng nakababatang Salceda.

Kalaban ng ni Councilor Salceda para sa nasabing poder si reelectionist PCL chairman at Davao City Councilor Danny Da­yanghirang. Si Dayanghirang ay kilalang tao ni Presidential daughter at Davao City Ma­yor Sara Duterte.

Dagdag pa ng isa sa mga source, sinusu­yod pa mismo ng grupo ni Salceda ang mga hotel hindi lamang sa Macapagal Ave. at Roxa­s Blvd., Pasay City kung hindi maging sa mga sa karatig lungsod kagaya ng Maynila at Makati kung saan naka-check-in ang iba’t ibang PCL chapter members upang maghatid ng regalo na ang kapalit ay boto para sa pamangkin ng Albay congressman. (JC Cahinhinan)