Pinatunayan ng isang agriculture student sa Digos, Davao del Sur na maaari ring makapagpabunga ng mansanas sa bansa kahit na tayo ay isang tropical country.

Ayon kay Benzone Sepe, isang third year agriculture student na puwedeng maging posible ang sinasabi nilang imposible.

Sinabi ni Sepe noong 2014, habang siya ay kumakain ng mansanas ay naisipan niya na magtanim ng mansanas sa kanilang bakuran sa Barangay Kapatagan, Digos.

Gayunman, makalipas ang dalawang buwan ay namatay ang kanyang tanim na mansanas habang ang isang itinanim sa kabila na nabuhay ay hindi naman namunga.

Sa kabila ng pagkabigo, hindi pa rin tumigil si Sepe sa pagsasaliksik sa internet ng mga paraan para makapagpabunga ng mansanas.

Hanggang nitong Enero 2018 ay nabasa niya na dapat palang baluktutin ang sanga para hindi malantad sa init ng araw na kanyang ginawa.

Isang buwan pa ang nakalipas ay namulaklak at may nakita siyang bunga na walang pinagkaiba ang laki at lasa sa mga ordinar­yong mansanas na ini­luluwas sa Pilipinas.

Ayon kay agriculturist Dr. Alexander Campaner, base sa genetic characteristic ng mansanas, kinakaila­ngan na 7 hanggang 12 degrees Celsius ang temperature para ito mabuhay.

“Based on the stu­dies that I conducted in Benguet, they planted apple trees, but the result is not as good as ours,” ayon kay Campaner.

Ito umano ang kauna-unahang matagumpay na puno ng mansanas na itinanim sa Mindanao.

Nabatid na ang mansanas ay mabuti sa kalusugan dahil sa taglay nitong
antioxidants at phytonutrients na nakakatulong para bumaba ang antas na ma-develop ang isang sakit sa katawan ng tao. (Juliet de Loza-Cudia)