Mansyon ni Ali ikinawindang ng mga kasamahan sa PBB

NAGULAT ang mga kasamahan ng beauty-queen at dating PBB housemate na si Ali Forbes nu’ng makita nila ang mansyon niya sa QC.

Hindi nila akalain na ganun kalaki at kayaman si Ali. Sabi nga ni Baninay Bautista, kuwarto pa lang daw ni Ali parang bahay na niya kalaki.

Ibinunyag ni Ali ang negosyo niya. Sa kanya raw kumuha ng semento pag magpapagawa ng building. Malaki ang kinikita niya rito. Halimbawa sa P500 pero 100,000 na bags ng semento (kumbaga laman ng isang barko) kalahating milyon ang kinikita niya.

“Huwag magtaka kung bakit ganoon kaganda ang mansyon ni Ate Ali,” sambit pa ni Baninay.

Sa ngayon kasama si Ali sa seryeng ‘Sana Dalawa Ang Puso Ko’. ‘Yan ang unang teleserye niya pagkatapos sumali sa PBB. Naging host din siya sa GMA News TV para sa Pinay Beauty Queen Academy. May movie rin siyang natapos ngayon na ‘Men In Uniform’ with Rayver Cruz. Ito’y sa direksyon ni Neal Tan.

Nag-chat kami kay Ali kung kumusta katrabaho sina Robin Padilla at Jodi Sta. Maria.

“Sobrang sarap po katrabaho sina Kuya Robin at Jodi. Ang bait po nila saka nakakatuwa kasama. Actually po ‘yung set namin every taping sobrang gaan lang po. Nakaka-overwhelmed nga po na nakasama ko sila. At saka, ang dami ko rin po natutunan sa kanila plus talagang nakakakilig sila hehehe,” pakli niya.
Sa mga hindi nakakaalam si Ali ay 2012 Binibining Pilipinas 2nd Runner up at 2013 Miss Grand International 3rd Runner up.
***

Sylvia kumpirmadong inosente

INALAM namin sa taping ng ‘Hanggang Saan’ kung ano na ang kaganapan sa serye ng Beautederm Ambassador na si Sylvia Sanchez.

Malaking tinik ang naalis sa dibdib ni Sonya­ (Sylvia) dahil isang ebidensya muli ang lumutang na nagpapatunay na inosente siya sa pagpatay kay Edward Lamoste (Eric Quizon) sa ‘Hanggang Saan’.

Tuloy-tuloy nga ang pag-ayon ng kapalaran kay Sonya dahil pagkatapos mahanap ang baril ng hired killer na pumatay kay Edward, natagpuan naman ang bala na ipinutok mismo ni Sonya sa isang imahen ng Birheng Maria, patunay na hindi niya tinamaan si Edward at wala siyang kasalanan sa pagkamatay nito.

Ngunit may kalakip na pagdadalamhati ang pag-usad ng kanyang kaso sa pagkamatay naman ni Georgette (Maxine Medina) matapos siyang tambangan ng mga tauhan ni Jacob (Ariel Rivera) sa pag-aakalang siya ang may dala ng ginamit na baril na kumitil kay Edward.

Magiging dahilan naman ito para mas maging determinado pa si Paco (Arjo Atayde) na ipaglaban ang hustisya hindi lang para sa ina, pati na rin sa yumaong nobya upang pagbayaran ni Jacob ang lahat ng kanyang kasamaan.

Makamit pa nga kaya nila ang katarungang kanilang inaasam? Tutukan ang ‘Hanggang Saan’, tuwing hapon sa ABS-CBN 2.