Kinubra ng Alaska ang unang panalo sa PBA Commissioner’s Cup nang pagdiskitahan ang Blackwater 93-74 sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Muntikan pang masilat na naman ang Aces, pero dahil kay Calvin Abueva ay nagawang muling kumalas.
“I’ve got two words in the fourth quarter: Calvin Abueva,” lahad ni Alaska Coach Alex Compton sa kanyang do-it-all guard. “He helped us on the rebounds, he covered grounds, he got the loose ball and he got a lot of shots for his teammates.”
Mula sa field ay 0 for 10 ang The Beast na naka-three points lang mula sa free throws, pero may 10 rebounds, six assists, two steals at two blocked shots.
Nakabawi ang Aces mula sa 103-109 overtime loss sa Rain or Shine noong Biyernes para pumasok sa win-column.
Nabaon naman sa ilalim ang Elite na wala pang panalo sa tatlong laro.
Buong larong nasa unahan ang Aces, umagwat ng hanggang 49-19 sa second quarter.
Pinangunahan ng career-game 27 points ni Vic Manuel ang Alaska, 15 dito ang kinamada niya sa fourth nang magsimulang mag-rally ang Blackwater na nagawa pang dumikit sa anim.
“When you play that way, ang tendency talaga ng tao maging complacent ka,” dagdag ni Compton sa pag-relax ng kanyang team na muntik magpabalik sa Elite.
Matikas pa ring 23 points at 19 rebounds ang ambag ni import Antonio Campbell sa Alaska.
May 27 points at 22 rebounds si Jarrid Famous sa Blackwater, pero ang 11 ni Poy Erram lang ang nakatuwang niya. (Vladi Eduarte)