‘Di nagpaapekto sa kumakalat na trade rumors si Vic Manuel, tuloy lang ang kayod niya sa Alaska.
Nambarako ang 32-anyos na forward ng 23 points at 10 rebounds para itulak ang Aces sa 106-99 win laban sa NorthPort nitong Linggo.
Kinolekta ng Alaska ang pangatlong panalo sa siyam na laro – pangatlo rin sa huling apat – para paypayan ang tsansang humabol sa playoffs ng PBA Governors Cup.
Unang back-to-back wins din ‘yun ng Aces sa ilalim ni coach Jeff Cariaso na pumalit kay Alex Compton nitong August.
Maangas sa magkabilang dulo ng court ang 6-foot-4 forward mula Nueva Ecija, siya rin ang umangkla sa depensa kay Christian Standhardinger.
Sa sipag na pinakita, ginawad kay Manuel ang PBA Press Corps-Cignal Player of the Week award sa Oktubre 28-Nobyembre 3.
Naungusan niya ang kakamping si Abu Tratter na nagsumite ng 17 points, 9 rebounds kontra Batang Pier. (VE)