Manuel nagpa-spaghetti sa ika-2 buwan ng anak

SA pagtulong idinaan ni Philippine Basketball Association (PBA) star Vic Manuel ang pagse-celebrate ng ika-2 buwan ng kanyang baby nang magpakain ng spaghetti sa ilang kalugar at manggagawa habang nakasailalim pa ang buong Luzon sa enhanced community quarantine dulot ng COVID-19.

Dahil 2 months na ang bunso niyang si Baby Francine, naisipan ng 32-year-old, 6-foot-4 power forward ng Alaska Milk Aces na magpakain sa mga ordinaryong kapwa Pinoy gaya ng mga guwardya at ilang taong nasa kalsada, ng naka-pack na pasta na may kasama pang lumpia at salad.

Sa Instagram post ng astig na basketbolista, naispatang nag-aabot siya ng nasabing pagkain.

Gayundin ang litrato ng kanyang baby Francine habang sini-celebrate ang ika-2 buwan nito.

Bukod sa pagtulong, may family time rin muna si Manuel matapos isuspinde ang mga laro sa PBA pati na ang team training upang hindi mahawa sa coronavirus disease 2019. (Aivan Denzel Episcope)