Manugang ni Gaisano tinutugis sa P3.2B scam

Hawak na ng awto­ridad ang ka­patid ng manugang ng bilyonaryong si Eddie S. Gaisano Sr. makaraang madakip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Madrid, Spain dahil sa pagkasangkot diumano sa P3.2 bilyong investment scam.

Dinala na sa Pilipinas noong Enero 25, si Davidson Wong, 42-anyos, kapatid ni Derwin Ngo Wong na may-ari ng DW Capital Inc. (DWCI) brokerage firm, na nanloko diumano ng mga kliyente kasama ang pamil­ya Gaisano dahil sa pagbebenta ng mga share nang walang awtorisasyon mula sa may-ari nito.

Nang aprubahan ng korte sa Madrid ang extradition proceedings, mismong sina NBI Assistant Director for Intelligence Eric Distor, NBI-Interpol chief Ronald Aguto, at Special Investigator Reynaldo Gabionza ang umaresto kay Davidson, residente ng Kawayan Road, North Forbes Park, at nagsilbing treasurer ng DWCI.

“The long arm of the law, caught up with him after he fled the country instead of facing the char­ges against him. This is a war­ning to other fugitives of the law, even abroad the government and the NBI can work for your arrest and serve justice to victims,’’ sabi ni Distor sa ekslusibong panayam ng Abante TONITE (sister publication ng Bilyonaryo).

Sinampahan ng kasong syndicated estafa ang magkapatid na Wong noong Abril 2019 dahil sa illegal trading o hindi awtorisadong pagbenta ng P24 mil­yong stock investment ng asawa ng Cebuano mall tycoon Gaisano na si Judy at anak nilang si Valerie Gaisano-Sebastian.

Paniwala ng NBI, utak sa nasabing scam si Derwin at tip of the iceberg lang ito dahil hindi lang ito ang kabuuang halaga ng naloko ng magkapatid na Wong.

“The Gaisano family is just one of the victims, the money involved could be around P3.2 billion from other victims,’’ sabi pa ni Gabionza.

Naaresto si Derwin noong Abril 2019 pero nakapuslit sa mga awtoridad.
Sa kabila ng pinalabas na hold departure order ng Regional Trial Court Branch 7 sa Cebu City, nakapuslit si Davidson patu­ngong Hong Kong at gamit ang Hong Kong passport nito ay nakatakas ito patungong Madrid noong nakaraang taon.

Nagpunta umano si Davidson sa Hong Kong kung saan mayroong travel agency ang pamilya Wong. Ayon kay Aguto, ginamit umano ni Wong ang kanyang Hong Kong passport para makalipad naman patungo sa Madrid noong 2019.
“But by then we have already asked for red notice for the suspects, inclu­ding his father and sister and other accused of the syndicated estafa,’’ sabi ni Aguto.

Bukod kay Derwin, pinaghahanap pa ang iba pang mga akusado kabilang ang kanilang ama na si DW chief financial officer Wong Chung Yin, alyas ‘David Wong’, Derick N. Wong, Dianne N. Wong, Lucy Chua, Juvy Ting, Susan Luis, Beverly Ansay, Leonardo Marzan at apat pang opisyal at empleyado ng DW Capital.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Valerie na matapos pakasalan ng kapatid niyang si Eda Frances Gaisano si Derwin, hinikayat ng huli ang iba pang miyembro ng pamilya Gaisano na mag-invest sa stocks.

Pinagkatiwala umano ni Valerie ang kanilang shares na nakabase noon sa Maynila. Pero nadiskubre umano niya na nawawala ang kanyang shares noong 2017.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Valerie na wala siyang alam sa ginawa ng DW Capital na pagbebenta sa kanyang shares ng stock.
Napaulat naman na annulled na ang kasal nina Eda at Derwin kung saan mayroon silang tatlong anak.